US aerial target drone natagpuan sa Quezon (Pinaiimbestigahan ng Palasyo)

FRONTIPINASISIYASAT ng Palasyo sa Department of National Defense (DND) ang natagpuang US aerial target drone sa karagatan ng lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hihintayin na lang ng Malacanang ang isusumiteng ulat ng DND hinggil sa pagbagsak ng US drome na may serial number BQ55079 na nasa pag-iingat na ng Patnanungan Police Station.

Sa opisyal na kalatas na inilabas ng US embassy kahapon ay kinompirma na ang natagpuang β€œexpended BQM-74E Aerial Target” ay inilunsad sa ginanap na naval exercise Valiant Shield 2014 noong nakalipas na Setyembre 15-23 sa karagatan ng Guam.

β€œThe aerial target does not carry weapons and is not used for surveillance. The BQM-74E Aerial Target is used by surface ships and aircraft during exercises to help train our sailors in a realistic environment that provides the best possible training,” sabi sa kalatas.

Sa naturang pagsasanay, lahat anila ng aerial operations ay isinasagawa sa international airspace na may kaukulang koordinasyon at pinayagan sa Guam airspace.

Hindi nagustuhan ng ilang progresibong kongresista ang presensiya ng spy planes ng Amerika dahil tila lumilitaw na pag-aari na ng US ang kalawakang sakop ng Filipinas.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may bumagsak na US drone o spy plane dahil noong 2013 ay may na-recover ding ganito sa lalawigan ng Masbate.

Rose Novenario