NABIKTIMA ng grupo ng dugo-dugo gang ang isang barangay kagawad nang matangay mula sa kasambahay niya ang mga alahas na tinatayang nasa P3 milyon ang halaga kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Kagawad Lyza Michelle Bernal, 37, ng 4494, panulukan ng Calatagan at Araro Streets, Brgy. Palanan ng lungsod.
Habang ang kasambahay na si Marisa May Dumalen, 19, stay-in ay nasa kustodya ng pulisya.
Base sa naging reklamo ni Bernal kay PO3 Rodolfo Gutierrez, ng Theft and Robbery Section ng Makati City Police, naganap ang insidente dakong 4 p.m. kamakalawa.
Sinasabing tumawag sa bahay ng kagawad ang isang hindi kilalang babae at nakausap si Dumalen.
Sinabi ng babaeng caller kay Dumalen na nahuli ng pulis ang among si Bernal at pinakukuha ang mga alahas na nakatago sa kanilang aparador.
Sinunod ni Dumalen ang utos ng suspek, niransak ang aparador saka kinuha ang mga alahas na tinatayang nasa P3 milyon ang halaga, dinala sa Cubao, Quezon City saka iniabot sa hindi kilalang suspek na isang babae.
Nang magbalik si Dumalen sa bahay ay naabutan ang kanyang among si Bernal.
Makaraan isalaysay ng kasambahay ang insidente, agad siyang dinala ng amo sa himpilan ng pulisya.
Nagduda si Bernal sa naging pahayag ni Dumalen, lalo pa’t ilang buwan pa lamang naninilbihan sa kanila.
Jaja Garcia
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com