SIYAM katao ang sugatan makaraan magbanggaan ang pampasaherong jeep at van kahapon ng madaling-araw sa Lungsod Marikina.
Ang mga biktimang pawang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Hospital ay sina Virginia Serrano, 13; Ofelia Diaz, 39; Ma. Isabel Macabinquil, 19; Dennis Caraan, 34; at Juvy Rose Prieto, 17, pawang mga residente ng Antipolo City.
Sugatan din sa nasabing insidente sina Eden Bandillo, 20; Kimberly Cater ,19; Dan Jay Adiza, at isang hindi pa nakilalang biktima.
Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Sr. Supt. Vincent Calanoga, hepe ng Marikina City PNP, dakong 3:20 a.m., binabagtas ng Mercedez Bens van (UMK-376) ang kahabaan ng Molina St., Brgy. Concepcion. Pagtapat sa stop light intersection ay nag-green light at tiyempong sumulpot ang pampasaherong jeep na nahagip ang van.
Napag-alaman, ang driver ng jeep na si Rowel Romagosa, 18, residente ng 118 Purok 2, Tamengo Compound, Antipolo City ay nasa impluwensiya ng alak habang nagmamaneho.
Si Romagosa ay nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property.