UMANGAT ang Rain or Shine sa sa third spot ng team standing pagkatapos ng kanilang 11-game eliminations round ng PBA Governors’ Cup dahil sa angas ng laro ni point guard Paul Lee.
Hindi nagpaawat sa pagpapakita ng tikas ang tinaguriang “Angas ng Tondo” na si Lee matapos mag average ng 16.0 points at 5.5 rebounds sa huling dalawang importanteng laro ng Elasto Painters.
Pinagpag muna ng E-Painters ang KIA Carnivals bago pinadapa ang Meralco Bolts para makasiguro ng upuan sa top 4 papasok ng playoffs.
Dahil sa kagitingan ni Lee iginawad sa kanya ang Accel-PBA Press Corps Player of the Week award (June 15-21).
Tumikada si Lee ng 20 puntos kahit nakaramdam ito ng pagkahilo matapos siyang masiko sa bibig sa fourth quarter kontra Carnival kung saan ay nanaig ang E-Painters, 94-90.
“He’s a tough guy,” patungkol ni RoS coach Yeng Guiao kay 6-foot shooting guard Lee. “He will keep attacking the basket even if he knows he’ll get fouled hard.”
Sa huling panalo ng Rain or Shine laban sa Bolts, 96-89 ay kumana si Lee ng Lee ng 12 points, seven rebounds.
Tinapos ng E-Painters ang single-round eliminations sa 7-4 win-loss record, naniguro sa isa sa apat na twice-to-beat bonus sa quarters ng top 4 teams. (ARABELA PRINCESS DAWA)