FOLLOW-UP ito sa nasulat namin tungkol sa timeslot ng Bagito na launching serye ni Nash Aguas na supposedly ay sa Nobyembre 24 pa ipalalabas, pero biglang eere na pala ngayong Lunes, Nobyembre 17 kapalit ng Pure Love. Samantalang ang Dream Dad ay sa Nobyembre 24 naman ang airing pagkatapos ng Forevermore.
Hindi ba’t Dream Dad ang dapat na kapalit ng Pure Love, Ateng Maricris base na rin sa sinabi sa presscon ng nasabing programa nina Zanjoe Marudo at Janna Agoncillo.
Pero nagkaroon ng tsika na hindi pa raw handa ang Dream Dad ni Zanjoe dahil hindi pa raw buo ang pilot week nito kaya’t butas pa ang ilang araw kaya paano raw ito ipalalabas? Oo nga naman.
Nalaman din namin na kapag itinuloy ang airing ng Dream Dad ay mahihirapan ang buong cast dahil magiging hand-to-mouth ito na hindi kakayanin dahil malalayo ang location.
Hmm, bakit ang Forevermore na kasalukuyang nangunguna ngayon sa ratings game ay hand-to-mouth din naman dahil ‘yung kinukunan sa maghapon hanggang umaga ay itatakbo naman ng service van sa ABS-CBN bandang alas dose ng tanghali para umabot sa editing at saka ie-ere kinagabihan din.
“At least, isang location lang sila (‘Forevermore’), Benguet lang, unlike sa ‘Dream Dad’, iba’t ibang location tapos matagal pa ang baklas,” katwiran sa amin ng taga-Dos.
Hindi naman din madaling bunuin ang limang oras na biyahe mula Baguio to ABS-CBN para sa materyales na ieere, paano kung nagka-aberya sa daan?
Ang tanong namin, hindi ba’t sensitibo ang kuwento ng Bagito ni Nash dahil naging batang ama siya sa edad na 14? At halos lahat ng estudyante sa high school at elementarya ay nasa bahay na ng mga oras na umeere ito kasabay ng hapunan ng pamilya habang nanonood ng TV Patrol?
Kaya tamang-tama sana ang Dream Dad dahil light drama lang ito sabi nga ni Zanjoe kaya nagustuhan ulit niya ang istorya lalo’t super-cute ang bago niyang anak na si Janna.
Hindi kaya ‘pag marami ng bangko ang Dream Dad ay pagpalitin sila ng Bagito tulad sa naunang plano na pagkatapos ng TV Patrol?
Ano kaya ang masasabi ni Chairman Eugenio Villareal ng MTRCB sa timeslot ng Bagito?
ni Reggee Bonoan