PAGKARAAN ng matagumpay na palabas ng sikat na magician na si David Blaine sa Smart Araneta Coliseum nitong Biyernes, lumipad siya sa General Santos para bisitahin si Manny Pacquiao.
Bago pa ang pagkikita ng dalawang prominenteng personalidad, nai-post na ni David sa Instagram ang planong pagpunta sa General Santos nang mag-post siya ng larawan niya habang pasakay ng eroplano.
“On my way to meet somebody special in the Philippines,” ang nilalaman ng caption.
Ang tinutukoy niyang “someone special” ay lumabas muli sa Instagram na naka-post na ang larawan ni Pacquiao kasama si David at ang asawa ng Pambansang Kamao na si Saranggani Vice Governor Jinky Pacquiao.
“David Blaine visiting us today here at our home in Gensan,” pahayag ni Manny.
Isa sa naka-post na larawan sa Instagram ay ang pagkain ni David ng balut.
Kilala sa kanyang death defying stunts, si Blaine ay dumating sa Maynila noong Setyembre 10.