ISANG dahilan kung bakit rumaratsada ngayon ang Talk n Text sa PBA Governors’ Cup ay ang mga mainit na kamay ni Jimmy Alapag mula sa labas ng arko.
Sa huling tatlong panalo ng Tropang Texters ay halos 70 porsiyento ang naipasok na tira mula sa three-point line si Alapag kaya tabla sila sa San Mig Coffee na may parehong 4-1 panalo-talo.
Noong Lunes ng gabi ay naipasok ni Alapag ang tatlo niyang tres upang dalhin ang TNT sa 102-91 na panalo kontra Air21.
“A lot of our three-point shots are a result of a lot of good ball movement,” wika ni Alapag. “Coach Norman Black has been urging me to be more aggressive offensively because of our problems with our import. The ball has found its way to my hands and I’ve been lucky to knock those shots down. Our strength really lies in our depth and chemistry.”
Idinagdag ni Alapag na ganito rin ang magiging papel niya sa Gilas Pilipinas kapag sumabak na ang RP team sa FIBA World Cup sa Espanya at sa Asian Games sa Korea.
(James Ty III)