KARANASAN ang magiging pangunahing sandata ng San Mig Coffee laban sa gutom ng Air 21 sa kanilang pagkikita sa Game One ng best-of-five semifinal round ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang 8 pm sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Mixers, sa ilalim ni coach Tim Cone ay nagkampeon sa huling dalawang torneo ng PBA. Sa kabilang dako, ngayon lang nakapasok sa semifinals ang Air 21 sa ilalim ng prangkisa ng Shopinas.
Magkaganito man ay hindi andap si coach Franz Pumaren sa sinasabing bentahe ng Mixers. Sa halip, sinabi ni Pumaren na sisikapin nilang makaakyat pa at makarating ng malayo.
Umabot sa semis ang Air 21 nang silatin ang second seed San Miguel Beer na tinalo nila ng dalawang beses sa quarterfinals. Ang Express ay nagtapos sa ikapitong puwesto sa elims at nakaharap ang Beermen na may twice-to-beat advantage.
Sa kabilang dako, natalo naman ang Mixers sa defending champion Alaska Milk sa Game One ng kanilang best-of-three quarterfinals series.
Pero nanaig ang Mxers sa huling dalawang laro upang wakasan ang paghahari ng Alaska Milk.
Sa kanilang tanging pagkikita sa elimination round noong Abril ay dinaig ng San Mig Coffee ang Air 21, 97-84.
Subalit sa larong iyon ay lumamang ang Express ng 15 puntos, 77-64 sa pagtatapos ng third quarter. Hindi nga lang nila naipagpatuloy ang magandang ginagawa nila at hinayaang makabalik ang San Mig Coffee upang manalo.
Pinangunahan ni James Mays ang Mixers sa larong iyon nang magtala siya ng 23 puntos. Subalit mas marami ang ginawa ni Wesley Witherspoon na nagtapos nang may 27.
Si Mays ay susuportahan nina Peter June Simon, Marc Pingris, Mark Barroca, Joe De Vance at two-time Most Valuable Player James Yap na naghahangad na makabawi buhat sa pagkakabokya niya sa huli nilang laro kontra sa Aces.
Si Witherspoon ay tutulungan nina Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Sean Anthony, Aldrech Ramos at Joseph Yeo.
Samantala, ang Game Two ng kabilang semifinals series sa pagitan ng Talk N Text at Rain Or Shine ay lalaruin bukas sa ganap na 8 pm sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
(SABRINA PASCUA)