PATAY ang 46-anyos na dating overseas Filipino worker (OFW) nang atakehin sa puso habang nasa loob ng motel, sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Nico Lawas, ng Los Baños, Laguna, nang makaranas ng paninikip ng dibdib sa loob ng Sogo Hotel, F.B. Harrison, kasama ang kaibigang babae na itinago sa pangalang ‘Mutya.’
Sa tinanggap na ulat ni Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng Investigation Detective & Management Section, sinundo ni Lawas ang kaibigang si Mutya, kasama ang isa pang babae sa Domestic Airport kamaka-lawa, dakong 8:00 p.m.
Matapos ihatid ang kaibigang babae sa kanyang bahay sa Comembo, Makati City, nagtuloy ang dalawa sa Gumamela St., Pembo.
Makaraan ang isang oras, muling lumabas ang biktima at si Mutya, at pagkatapos kumain ng lugaw, muling sumakay ng taksi at nagpasyang mag-check-in sa sangay ng Sogo Hotel sa F.B. Harrison para sa limang oras na pamamahinga.
Salaysay ni Mutya sa pulisya, magkasabay silang natulog ng biktima na suot pa ang kanilang mga damit pero walang nangyaring pagtatalik.
Isang oras ang nakalipas, nagising si Mutya nang maulinigan niyang naghahabol ng hininga ang kasama na noon ay nakaupo na sa isang silya.
Agad humingi ng tulong sa pamunuan ng hotel ang babae upang maisugod sa pagamutan si Lawas pero idineklarang dead on arrival.
(JAJA GARCIA)