Dead on Arrival sa pinagdalhang pagamutan ang 4-anyos paslit, makaraang i-hostage ng kanyang sariling tiyuhin na umano’y sinumpong ng sakit sa pag-iisip.
Limang tama ng balisong ang kumitil sa buhay ng paslit na kinilalang si Dennis Sibaluca, Jr., 4-anyos, nang saksakin ng suspek habang karga niya ang biktima, sa isang hostage dramang naganap sa Quirino Highway, Barangay Maharlika, Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan, kamakalawa ng umaga.
Kaagad ding napatay ang hostage-taker na kinilalang si Jose Puyo, Jr., nang barilin ng mga rumespondeng awtoridad nang makitang inundayan ng sunod-sunod na saksak ng balisong ang walang kalaban-laban na biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinauwi mula sa pinapasukang towing services ang suspek, nang bigla na lamang nagtatakbo na parang may kinatatakutan, at habang nasa bahay ay nakatalo niya ang asawa ng kanyang pinsan.
Sa ulat na nakarating kay Police Senior Supt. Joel Estaris, hepe ng pulisya, bandang 9:00 ng umaga nang maganap ang krimen, nang bigla umanong kargahin ng suspek ng kanyang pamangkin at tinutukan ng dala niyang balisong.
Nakipaghabulan pa umano ang suspek sa mga barangay tanod na humabol sa kanya, pero nang makasalubong nito ang mga rumespondeng pulis, ay bigla nitong sinaksak ang kargang pamangkin, kaya napilitan ang mga awtoridad na barilin ang suspek.
Napag-alaman din, tatlong araw pa lamang nanunuluyan ang suspek galing Bicol, sa bahay ng kanyang pinsan sa nasabing lugar bago naganap ang nasabing krimen.
(DAISY MEDINA)