SUGATAN ang dalawang lalaki nang barilin ng hindi nakilalang suspek habang bumibili ng lomi sa isang karinderya sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa.
Nasa Ospital ng Sampalok ang dalawang biktima na sina Rodelio Lorenzo, 39, walang trabaho , 906 Leyte Street Sampaloc, na tinamaan ng bala ng baril sa kaliwang tiyan, at si Benjamin Oropesa , 30, binata , ng 908 Leyte Street Sampaloc, nagkasugat sa katawan sanhi ng tama ng bala ng baril.
Nakatakas ang suspek na nakasuot ng itim na jacket lulan ng motorsiklong walang plaka.
Sa ulat ng pulisya , dakong 1:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa G. Tuazon Street, Sampaloc.
Nabatid na nagtungo ang dalawang biktima kasama ng kanilang mga kaibigan sa “Batang Lomihan” malapit sa kanilang lugar.
Habang hinihintay ng grupo ang kanilang order, nagtungo muna si Benjamin sa isang comedy bar pero pinalabas umano ng isang Raffy Maranio , treasurer na nasabing comedy bar.
Kasunod nito, nagtungo si Raffy sa barangay upang ireklamo si Benjamin pero isang ‘di nakilalang lalaki na lulan ng motorsiklo ang sumulpot sa lugar at nagpaputok ng dalawang beses na naging dahilan upang tamaan ang dalawang biktima.
(leonard basilio)