HINDi pa makausap nang maayos ng mga pulis ang ina ng apat paslit na sinasabing pinagsasaksak at pagkaraan ay sinunog pa ng ginang na sinasabing may sakit sa pag-iisip sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, unang nabuo ang teoryang namatay sa sunog kahapon ng madaling-araw ang mga biktimang sina Karyl, 9; Seth, 7; Zane, 3, at York, 1, sa kanilang bahay sa Jolo Street, Brgy. Iba, Meycauayan City, Bulacan.
Ngunit nang suriin ang bangkay ng mga biktima, natuklasang sila ay may mga saksak sa katawan.
Napag-alaman dakong 2 a.m. hanggang 4 a.m. nang maganap ang sunog sa dalawang palapag ng apartment na pag-aari ng pamilya Darlucio.
Hawak na ngayon ng pulisya ang 33-anyos ina na suspek sa pagpaslang sa kanyang mga anak.
Sinasabing may sakit sa pag-iisip ang ginang na lalong pinalala ng dinaranas na matinding depresyon.
Bagama’t aminado ang ginang na siya ang pumatay sa kanyang mga anak, itinanggi niyang siya ay baliw at hindi rin aniya siya gumagamit ng ipinagbabawal na droga katulad ng hinala ng pulisya.
Hindi nagbigay ng pahayag ang ama ng mga biktima ngunit hiniling na igalang ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya.
ni DAISY MEDINA