MAGPUPULONG ang mga opisyal ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ukol sa mga isyu sa Pinoy Big Brother: Collab 3.0 tulad ng disability sensitivity.
Ito ay matapos matanggap ng Ahensiya ang liham ng NCDA tungkol sa isang videoclip na ipinakita ang ilang housemates na ginagaya ang pananalita ng taong may kapansanan.
Magaganap ang pag-uusap ngayong araw. Kasama sa pulong sina NCDA Executive Director Glenda Relova at Jayme Mariño, chief ng NCDA’s Information, Education and Communication Division, kasama ang mga kinatawan ng MTRCB.
Sabi ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto, ipinatawag din ang pulong dahil sa mahigit 2,100 reklamo laban sa Pinoy Big Brother: Collab 3.0 na natanggap ng Ahensiya sa nakaraang dalawang linggo.
“We share the commitment of the NCDA and the Department of Social Welfare and Development in promoting disability sensitivity and human dignity, while ensuring that media content remains respectful and inclusive for all Filipinos,” sabi ni Sotto.
Dagdag niya, “We will continue to collaborate with other government agencies and industry stakeholders to promote disability sensitivity and human dignity, as well as responsible media content.”
Pag-uusapan ng mga opisyal ng MTRCB at NCDA ang mga lumalabas na isyu tungkol sa Pinoy Big Brother: Collab 3.0. Itinigil ang livestream ng sikat na reality TV show noong nakaraang weekend.
Tatalakayin din ang mga concern ng NCDA at DSWD sa pulong, pati ang mga panawagan para sa mas mahigpit na editorial review at dagdag na sensitivity sa unscripted programming.
