JC Santos, tampok sa true to life movie na “Romano”  

JC Santos Albert Martinez Romano

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

TAMPOK si JC Santos sa pelikulang “Romano” na hango sa tunay na kasaysayan ni Fr. Rudy Romano. Siya ay isang Redemptorist priest na ipinaglaban ang mga karapatan ng mga maralita, na nawala noong Hulyo 11, 1985 sa gulang na 44.

Matutunghayan dito ang makasaysayang kuwento ng isang alagad ng simbahan na naglingkod at nagtanggol sa mahihirap sa kanilang mga karapatan, na isa sa mga katangiang dapat maging inspirasyon ng mga kabataan.

Makikita sa pelikula ang mga huling araw ni Fr. Rudy bago ang kanyang pagkawala, ang kanyang ugnayan sa komunidad at ang walang humpay na paghahanap ng kanyang ama at mga kapwa pari sa katotohanan at katarungan.

Sa panayam sa aktor, sinabi niyang dream come true ang papel na ginampanan niya rito.

Sambit ni JC, “Actually, medyo dream come true ito na makapag-play ako ng isang tao na mahalaga sa lipunan.”

Esplika pa niya, “Lagi kong sinasabi tuwing pumapasok ako sa proseso ng isang aktor, lagi ko silang tini-treat na superhero. Ibig sabihin, mayroon silang strength at mayroon silang weakness. At isa sa nakita ko, habang pinapasok ko, habang binabasa ko si Fr. Rudy, na ito siya kada linya, he’s persistent, ang tapang niya, hindi siya tumitigil…

“Doon ako nag-hold, na papaano kaya itong tapang niya? Habang kausap ang mga tao, habang tumutulong, habang kausap ang tatay niya? Paano siya as a persistent person?

“So iyon ang core ko at iyon din for me, I think iyong weakness niya, iyon din iyong fatal flaw.”

Pagpapatuloy na pahayag pa ni JC, “Aside of course sa pag-alala natin sa pagkawala ni Fr. Rudy, it’s also a story about family, it’s about devotion, tungkol din ito sa pagiging pari, sa pagmamahal sa kapwa, at pagmamahal sa Diyos.

“Ang pagiging persistent ni Fr. Rudy ay muli nating ipaalala sa ating mga kabataan at sa mga manonood na Filipino.”

Sinabi pa ng mahusay na aktor na ang pelikulang ito ay nakatulong sa kanya upang mas lumakas pa ang kanyang pananampalataya.

Aniya, “Mas lumakas ang faith ko. Marami akong nakasamang pari, lalo na iyong mga nakasama ni Fr. Romano, at nagbago ang pananaw ko sa faith, I guess. Nagbago iyong idea ko ng fellowship and brotherhood.”

Ayon din sa aktor, naging hamon sa kanya ang pagbibigay-buhay sa isang makasaysayang personalidad na hindi niya gaanong kilala bago tanggapin ang pelikula.

“Aaminin ko po na hindi ko po siya kilala bago dumating ang proyektong ito sa akin. Nakilala ko na lang siya at ang kanyang buhay nang mabasa ko ang script at habang ginagawa namin ang pelikula.

“Ang pinakatumatak sa akin kay Fr. Rudy ay ang kanyang passion bilang pari. He really went out of his way, literally, to serve the people, lalo na ang mga nasa laylayan.”

Aniya pa, “I like to believe or I hope na ganoon din ang level ng dedication na ibinibigay ko sa pagiging artista. Buong puso, buong kaluluwa, buong isip. Kaya lubos akong nagpapasalamat sa Diyos na ako ang napili na gampanan siya sa pelikula ukol sa kanyang buhay.”

Agad daw niyang tinanggap ang proyekto, nang in-offer sa kanya.

“Nang ibinigay siya sa akin, ang direktor kaagad ay si JL Burgos at ang kasama ko rito ay si Albert Martinez. At kuwento ito ng isang aktibistang pari, na ipinaglalaban ang karapatang pantao… right away, yes. This is  a dream project,” pahayag pa ni JC.

Ang Romano ay mula sa pamamahala ni Urian award winner na si JL Burgos at sa panulat ni Eric Ramos.

Tampok din sa pelikula sina Albert bilang ama ni Fr. Rudy, Cris Villanueva, Allan Paule, Ketchup Eusebio, Raul Montesa, Rolando Inocencio at Joel Saracho. 

Ang pelikula ay produced ng Redemptio Studios at mapapanood sa mga sinehan simula December 16, na unang araw din ng Simbang Gabi.