BAGO CITY, Negros Occidental — Mas palalakasin pa ang mayamang tradisyon ng boksing sa Bago City matapos magkasundo ang Philippine Sports Commission (PSC) at lokal na pamahalaan para magtayo ng regional training center (RTC) para sa boxing.
Pinangunahan nina PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio at Bago City Mayor Marina “Mayette” Javellana-Yao ang paglagda sa kasunduan na magbibigay-daan din sa rehabilitasyon at modernisasyon ng mga pangunahing pasilidad pampalakasan sa lungsod.
Sa ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng PSC, katuwang ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), ang pagsasaayos ng boxing gym ng lungsod na naging pugad ng maraming pambansang kampeon at mahuhusay na boksingerong Pinoy.
Ayon kay Gregorio, malaki ang naging papel ng Bago City sa kasaysayan at pag-unlad ng Philippine boxing dahil dito nagmula ang maraming Olympian, national champion, coach at lider ng naturang sport.
“Kapag pinag-uusapan ang Philippine boxing, malaking bahagi ng kasaysayan nito ang Bago City. Marami itong hinubog na kampeon, Olympian, coach at lider na nagbigay ng karangalan sa bansa,” ani Gregorio.
Binigyang-diin din ng PSC chief na nararapat lamang na sa Bago City itayo ang regional training center dahil sa malalim na ugnayan nito sa programa ng pambansang koponan.
“Walang ABAP national team kung walang Bago City. Malalim ang ugat ng ating boxing program sa lungsod na ito at habambuhay tayong nagpapasalamat. Kailangang-kailangan ang RTC sa Bago,” dagdag ni Gregorio.
Bukod sa boxing gym, isasailalim din sa rehabilitasyon ang track oval at swimming pool sa Bago City Sports Center, gayundin ang tennis courts at wall-climbing facilities sa loob ng sports complex.
Lalong naging makahulugan ang pagtatayo ng boxing training hub dahil sa mahabang listahan ng mga atletang nagmula sa Bago City, kabilang ang mga Olympian at pambansang koponang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas.
Dito rin nagmula si ABAP Chairman Ricky P. Vargas, isa sa mga pangunahing personalidad na tumulong sa muling pagpapasigla ng Philippine boxing.
Dumalo rin sa okasyon si ABAP National Coach Roel Velasco, bronze medalist sa 1992 Barcelona Olympics at isa sa ipinagmamalaking anak ng lungsod.
Hindi rin matatawaran ang ambag ng pamilyang Velasco sa boxing, kabilang sina Roel, ang matagal nang national coach na si Nolito Velasco at ang 1996 Atlanta Olympics silver medalist na si Mansueto “Onyok” Velasco.
Kabilang din sa mga Olympian na nagmula sa Bago City sina Leopoldo Cantancio Jr., Larry Semillano, Reynaldo Galido, Virgilio Vicera, Isidro Vicera Jr. at Rogen Ladon.
Marami rin itong naihandog na national team standouts tulad nina Vicente Galido, James Palicte, Mitchel Martinez, Dennis Galvan, Joegin Ladon, Junel Cantancio at Flint Jara.
Ipinahayag naman ni Mayor Javellana-Yao na patuloy na bibigyang-prayoridad ng lungsod ang pagpapaunlad ng boxing at iba pang sports sa pamamagitan ng kanilang Atleta Bago Program.
“Laging may espesyal na puwesto ang boxing sa puso ng ating lungsod. Kaya isa ito sa mga sports na talagang binibigyang-prayoridad natin sa ilalim ng Atleta Bago Program,” ani Javellana-Yao.
Nagpasalamat din ang alkalde kay Gregorio sa pagsusulong ng grassroots sports development at pagtitiwala sa kakayahan ng Bago City na maging sentro ng pagsasanay ng mga atleta.
Ayon naman kay Gregorio, layunin ng proyekto na mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga batang atleta hindi lamang sa Bago City kundi maging sa buong Visayas at iba pang rehiyon sa labas ng Metro Manila.
Ipinagmamalaki rin ng lungsod ang mga professional boxer na nakilala sa loob at labas ng bansa, kabilang sina Arthur Villanueva, John Wayne Vicera, Clark Vicera, Rogelio Plomeda Jr., Aston Palicte at Joepher Montano.
Dumalo rin sa seremonya sina PSC Commissioner Fritz Gaston, National Academy of Sports Executive Director Francis Carlos Diaz, ABAP President Marcus Manalo, PSC Chief of Staff Louise Jashil Sonido, ABAP Secretary General Sebastian Ripoll at ABAP Negros Island Region Director Angel Verdeflor.
Nakiisa rin sina Philippine Aquatics Inc. Vice President Ferdinand Quilop at Secretary General Eric Buhain na personal na nagsiyasat sa swimming pool ng Bago City Sports Center na isasailalim sa pagsasaayos upang umabot sa international standards. (PSC/HNT)
