SINIMULAN sa isang banal na misa ang seremonyal na pagpapailaw ng Belen o Nativity Display sa Farmers Market sa Araneta City, Quezon City, nitong Biyernes, Nobyembre 20.
Pinangunahan ni Fr. Ronnie Santos ang banal na misa bago isinagawa ang pagpapailaw ng Belen, na nagsilbing simbolo ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Pasko. Nagtapos ang programa sa isang makulay na fireworks display na lalong nagbigay-sigla sa okasyon.
Nakiisa sa pagdiriwang ang mga kinatawan ng pamahalaang lungsod ng Quezon City, mga kasapi ng Our Lady of Perpetual Help Parish, mga negosyante at manggagawa, gayundin ang mga opisyal ng Araneta City.
Kabilang sa mga dumalo si Quezon City District 3 Councilor Atty. Christopher Alan “Tope” Liquingan na kumatawan kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, Barangay Socorro Chairman Ted Santos at mga kagawad.
Naroon din sina Araneta City Senior Vice President for Leasing Lorna Fabian, Assistant Vice President for Digital Marketing Madel Pavorada, Farmers Market Property Manager Annabelle de Leon at Property Operations Manager Gracie Ilagan.
Idinaos ang okasyon sa harap ng Fruit Section ng Farmers Market sa Gen. MacArthur Avenue, sa pagitan ng Farmers Plaza at Farmers Garden. (HNT)
