MULING mabibigyan ng buhay ang makasaysayang Rizal Memorial Stadium matapos maglaan ang FIFA ng US$25 milyon para sa pagsasaayos nito at pagtatayo ng tatlong regional football training centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Malaking tulong ang pondong ito sa pagpapalakas ng Philippine football kasunod ng matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa kauna-unahang FIFA Women’s Futsal World Cup noong 2025.
Pormal na nilagdaan nina FIFA President Gianni Infantino, Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio at Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez ang kasunduan para sa proyekto sa PSC House sa Maynila. Nasaksihan ito ni Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay Infantino, nais ng FIFA na magkaroon ng pagkakataon ang bawat bansa na makasabay sa pag-unlad ng football at hindi lamang manood ng mga paligsahan sa telebisyon.
Binigyang-diin din niya na ang isang stadium ay hindi basta gusali lamang kundi simbolo ng pag-asa at magandang kinabukasan ng isang bansa.
Para kay Gutierrez, isa ito sa pinakamalaking biyayang natanggap ng Philippine football mula sa matagumpay na pagho-host ng naturang torneo.
Unang malaking pagsasaayos ito ng Rizal Memorial Stadium mula nang buksan noong 1934. Kapag natapos, magkakaroon ito ng 25,000 upuan at mga makabagong pasilidad na angkop sa pagdaraos ng malalaking international football competitions. Magsisilbi rin itong bagong tahanan ng PFF.
Ayon naman kay Gregorio, malaking hakbang ito hindi lamang para sa football kundi maging sa pagpapaganda ng mga pasilidad pang-isports sa bansa.
Bukod sa stadium, magtatayo rin ng tatlong football training centers sa Luzon, Bacolod City sa Visayas at Cagayan de Oro sa Mindanao.
Bawat sentro ay magkakaroon ng tatlong magkakatabing football field na may standard na sukat at dormitoryo para sa mga atletang magsasanay dito.
Ayon kay Gutierrez, malaking tulong ang mga pasilidad upang hindi na kailangang lumuwas pa sa Metro Manila ang mga batang manlalaro mula sa mga lalawigan para makapagsanay sa maayos na lugar.
Maaari rin itong pagdausan ng mga international youth tournament at iba pang paligsahan na makatutulong sa paglinang ng talento ng mga kabataang Pilipino.
Samantala, bahagi rin ng mas malawak na plano ng PSC ang pagpapaganda at pagsasaayos sa buong Rizal Memorial Sports Complex.
Kabilang dito ang panukalang PSC Plaza sa tapat ng SM Harrison at pagtatayo ng daanang mag-uugnay sa LRT Taft Avenue at Adriatico Street sa pamamagitan ng sports complex. Layunin nitong gawing mas madali at maayos ang pagpunta ng publiko sa lugar.
Pangungunahan ng PFF ang pagsasaayos ng stadium katuwang ang engineering team ng PSC upang matiyak na maisasama sa bagong disenyo ang mga kasalukuyang jogging path at mga daanan ng publiko.
Ikinuwento rin ni Gutierrez na hindi naging madali ang pagkuha ng hosting rights ng FIFA Women’s Futsal World Cup. Nakalaban ng Pilipinas sa pag-bid ang Italy, Lithuania, Portugal, Poland at Brazil.
Malaking tulong umano ang suporta ng pamahalaan upang makuha ng bansa ang karapatang magdaos ng makasaysayang torneo.
Sa tulong ng FIFA at pagtutulungan ng PSC at PFF, inaasahang mas mapapalakas ang football sa buong bansa. Hindi lamang mapapaganda ang makasaysayang Rizal Memorial Stadium, mabibigyan din ng mas maraming pagkakataon ang mga batang Pilipino na mahasa ang kanilang talento at mangarap na makalaro sa pandaigdigang entablado.
Isang mahalagang pamana ang proyektong ito na inaasahang magbibigay ng bagong sigla sa Philippine football sa mga susunod na taon. (PSC/HNT)
