Kaligtasan at kapakanan ng mga atleta, pangunahing tututukan sa ASTAF U19

Karen Tanchanco Caballero ASTAF Sepak Takraw

MANILA — Hindi lamang husay at talento sa sepak takraw ang bibigyang-pansin kundi higit sa lahat ang kaligtasan at kapakanan ng mga batang atleta sa pagsasagawa ng ASTAF U19 Asian Sepak Takraw Championships na magsisimula sa Nobyembre 26 sa Rizal Memorial Coliseum.

Tiniyak ni Philippine Sepak Takraw Association, Inc. president Karen Tanchanco Caballero na mahigpit na ipatutupad ang mga polisiya, alituntunin at gabay sa safeguarding in sports upang matiyak na ligtas ang lahat ng kalahok sa limang araw na kompetisyon.

Binigyang-diin ni Caballero na sasailalim sa panimulang pagsasanay tungkol sa safeguarding in sports ang lahat ng kalahok bago ang torneo.

“Pinakamahalaga sa amin ang kapakanan ng bawat atleta. Sisiguruhin naming may sapat silang kaalaman tungkol sa kanilang kaligtasan at karapatan sa loob at labas ng playing venue,” ani Caballero.

Ayon sa Safe Sport International, layunin ng safeguarding in sports na maiwasan ang anumang uri ng karahasan, pang-aabuso at panliligalig sa mga bata at matatandang kalahok sa sports.

Kabilang dito ang pagtataguyod ng respeto, patas na pagtrato at ligtas na kapaligiran para sa mga atleta, coach, opisyal, volunteers at iba pang sangkot sa palakasan.

Iginiit ni Caballero na nais ng organizers na hindi lamang magandang karanasan sa kompetisyon ang maiuwi ng mga batang atleta kundi maging masasayang alaala sa kanilang pananatili sa Pilipinas.

Pinuri naman ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio ang hakbang ng mga organizer na gawing pangunahing bahagi ng torneo ang pangangalaga sa kabuuang kapakanan ng mga kalahok.

Hinimok din ni Gregorio si Caballero at ang local organizing committee na magsilbing huwaran ang kanilang programa para sa mga susunod pang pagdaraos ng mga international sporting event sa bansa.

Bukod sa host Philippines, 14 pang bansa ang maglalaban-laban sa torneo na suportado rin ng Philippine Olympic Committee (POC) at sanctioned ng Asian Sepak Takraw Federation (ASTAF).

Kabilang sa mga kalahok ang Bangladesh, Chinese Taipei, India, Indonesia, Iran, Iraq, Malaysia, Myanmar, Nepal, Oman, Pakistan, South Korea, Thailand at Vietnam. (PSC/HNT)