MULING magsasama-sama ang mga nangungunang firearms dealer sa bansa para sa ikatlo at huling edisyon ngayong taon ng 32nd Defense and Sporting Arms Show (DSAS) na gaganapin sa Nobyembre 18 hanggang 22 sa Megatrade Hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City.
Ayon sa Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD), sa pangunguna ni president Alaric “Aric” Topacio, nakahanda ang 41 miyembro nitong magtampok ng iba’t ibang lokal at imported na produkto, kabilang ang mga baril, accessories at iba pang kaugnay na kagamitan.
Sinabi ni Topacio na pagkakataon ito para makita ng mga mahihilig sa firearms ang mga bagong produkto sa lokal na merkado.
Ito na ang ikatlong gun show ng AFAD ngayong taon matapos ang unang edisyon noong Hulyo at ang matagumpay na pagtatanghal sa Limketkai Center sa Cagayan de Oro City noong Agosto.
Kasabay nito, muling iginiit ng AFAD ang suporta nito sa responsableng pagmamay-ari ng baril at pagsusulong ng mga patakarang makatarungan, makatwiran at nakabatay sa sapat na ebidensiya.
Ayon kay Topacio, kinikilala ng asosasyon ang tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang mahigpit na regulasyon sa mga baril, subalit mahalagang nakabatay sa aktuwal na datos at umiiral na batas ang bawat pagbabago sa polisiya.
Partikular na binigyang-diin nito ang pagsunod sa Republic Act 10591 at sa implementing rules and regulations nito.
“Sinusuportahan ng AFAD ang makatuwirang pagbabago sa mga patakaran na tunay na makapagpapataas ng kaligtasan ng publiko at makapagsusulong ng responsableng pagmamay-ari ng baril. Hindi lamang dapat magdagdag ng mga restriksiyon sa mga lehitimo at sumusunod sa batas na may-ari kung walang malinaw at sapat na batayan,” pahayag ni Topacio.
Binigyang-diin din niya na kailangang malinaw na pag-ibahin ng mga awtoridad ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pribadong baril na may kaukulang lisensiya at mga armas na ipinagkakaloob sa mga tauhan ng pamahalaan.
Giit ng AFAD, dapat nakatuon ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko sa tunay na sanhi at mga pangyayari sa likod ng mga insidente sa halip na madamay ang buong komunidad ng mga responsableng may-ari ng baril.
Nagpasalamat din si Topacio kay PNP Chief P/Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. kasunod ng pagpapalabas ng binagong mga alituntunin sa pagkuha at pagpaparehistro ng mga rifle na kabilang sa small arms category, gayundin sa pagbebenta ng kanilang mga bala at cartridge sa mga lisensiyadong mamamayan.
Ayon kay Topacio, bunga ito ng matagal na pakikipag-ugnayan at pagsusulong ng AFAD sa mga kinauukulang ahensiya upang matiyak na naaayon sa RA 10591 ang mga regulasyon.
Sa ilalim ng binagong guidelines, nakasaad ang allowance na 50 bala para sa bawat rehistradong rifle at 1,000 bala para sa mga lisensiyadong sports shooter.
Pinapayagan naman ang 360 bala para sa mga aktibo at retiradong tauhan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Para kay Topacio, patunay ang pagbabago na mahalaga ang maayos na pakikipag-ugnayan ng pamahalaan at mga lehitimong sektor upang makabuo ng mga patakarang praktikal at naaayon sa batas.
Bukod sa pagpapakita ng mga produkto, magsisilbi ring one-stop venue ang DSAS para sa mga nais kumuha ng impormasyon at tulong sa pagkumpleto ng mga rekisito para sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at pagpaparehistro ng baril. (HNT)
