PNP netters kampeon sa tennis; Army silver

PSC-AFP Philippine Uniformed Services as One PUSO Sportsfest

HINDI nagpahuli ang Philippine National Police (PNP) netters matapos dominahin ang Philippine Army, 5-1, para masungkit ang kampeonato sa lawn tennis team event ng kauna-unahang PSC-AFP Philippine Uniformed Services as One (PUSO) Sportsfest nitong weekend sa Rizal Memorial Tennis Courts sa Maynila.

Ipinamalas ng PNP ang lalim ng kanilang line-up matapos magwagi sa limang laban upang makopo ang gintong medalya sa torneo na magkasamang inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nagsimula ang ratsada ng PNP sa impresibong panalo nina Police Master Sgt. Bensaudi Padjiri at Jose Nino Villaceran laban sa Army tandem nina Master Sgt. Napmusler Duldulao at Technical Sgt. Mario Sabas, 6-1, 6-4.

Sinundan ito ng isa pang panalo sa doubles nina PBrig. Gen. Froilan Navarroza at PCol. Reinante delos Santos na nanaig kina Brig. Gen. Gilbert Ombos at Col. Elmer Jay Anibigno II, 6-1, 6-3, sa kategoryang colonels and above.

Nagpatuloy ang pamamayagpag ng PNP sa officers 40 years old and above doubles sa pangunguna nina PLt. Col. Lister Ceriales at PCapt. Ferdinand Sonza, na tinalo ang Army tandem nina Lt. Cols. Arvin Zarate at Jaydie Balaqui, 6-2, 6-0.

Nag-ambag din ng panalo si PMaj. Jayson Macadangdang na bumangon mula sa pagkatalo sa unang set upang pabagsakin si Lt. Col. Datu Karon, 4-6, 6-0, 6-0, sa officers’ singles.

Naitala naman ng Army ang panalo nang talunin ni Sgt. Vicente Elberto Anasta si Patrolman Edmar Adormeo, 6-0, 6-3.

Tuluyang sinelyuhan ng PNP ang best-of-seven series sa pamamagitan nina PCpl. Ian James Butron at Patrolman Jonathan Palac, na nanaig kina Corporals Warren Andrescio at Mark Anthony Alcoseba, 6-2, 6-1, para makuha ang gintong medalya.

Naiuwi ng Army ang silver medal habang bronze naman ang napunta sa Philippine Navy.

Bukod sa apat na pangunahing sangay ng unipormadong serbisyo, lumahok din sa kompetisyon ang 11 iba pang ahensiya ng pamahalaan upang itaguyod ang malusog na kompetisyon, katapatan, pagkakaisa at patas na paglalaro.

Ayon kay PSC Commissioner Matthew “Fritz” Gaston, na nangangasiwa sa palaro para sa ahensiya, matagal nang hindi nagkakaroon ng pagkakataon ang mga atletang militar at mga kinatawan ng iba pang ahensiya na magsagupa sa isang kompetisyon habang pinatitibay ang pagkakaibigan at pakikipagkaisa.

Binigyang-diin ni Gaston na nagsisilbing mahalagang plataporma ang unang edisyon ng PSC-AFP PUSO Games upang maipamalas ng mga kalahok ang kanilang kakayahan at talento sa palakasan.

Kabilang sa iba pang lumahok ang Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation, Metropolitan Manila Development Authority, Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs, Philippine Military Academy at Anti-Terrorism Council.

May mga medalya ring nakataya sa athletics, arnis, badminton, basketball, boxing, chess, cheer dance, golf, table tennis, judo, karate, softball, football, tug-of-war, obstacle course racing, swimming, sepak takraw, target shooting, taekwondo at volleyball. (PSC/HNT)