AFAD itinampok ang responsableng pagmamay-ari ng baril sa ika-32 exhibit

AFAD 32nd Defence and Sporting Arms Show

PORMAL nang binuksan ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD) nitong Miyerkules ang ika-32 Defence and Sporting Arms Show sa Megatrade Hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City, tampok ang mga bagong inobasyon sa industriya at pagsusulong ng responsableng pagmamay-ari ng baril.

Binigyang-diin sa limang araw na eksibisyon ang kahalagahan ng disiplina, kaligtasan at mahigpit na pagsunod sa mga batas na may kaugnayan sa pagmamay-ari ng baril.

Ayon kay AFAD president Alaric “Aric” Topacio, higit pa sa komersiyal na layunin ang adbokasiya ng kanilang organisasyon dahil nais nilang itanim sa bawat may-ari ng baril ang kahalagahan ng pananagutan.

Iginiit ni Topacio na hindi lamang legal na dokumento ang lisensya sa pagmamay-ari ng baril kundi isang pangakong pairalin ang kaligtasan ng publiko at responsableng pangangalaga sa mga kagamitan.

Kaisa rin niya si AFAD vice president Edwin D. Año Jr., na nagsabing kaakibat ng pribilehiyong magkaroon ng baril ang malaking responsibilidad.

Sa pamamagitan ng eksibisyon, layunin ng AFAD na palawakin ang kaalaman ng mga miyembro at bisita tungkol sa tamang pagmamay-ari, legal na proseso at kahalagahan ng kaligtasan.

Tampok din sa palabas ang aspeto ng shooting bilang isang disiplina sa palakasan na nangangailangan ng pokus, masusing pagsasanay at pagsunod sa mahigpit na mga alituntunin.

Nagsagawa rin ng mga seminar at workshop hinggil sa mga legal na rekisito sa pagmamay-ari ng baril, kabilang ang proseso ng pag-renew ng lisensya at mga kinakailangang pagsasanay sa kaligtasan.

Sa pagpapatuloy ng ika-32 edisyon ng eksibisyon hanggang Nobyembre 22, nananatiling pangunahing layunin ng AFAD na itaguyod ang disiplina, pananagutan at pagsunod sa batas sa hanay ng mga nasa industriya at komunidad ng sporting arms. (HNT)