ni Teddy Brul
MANILA, Philippines — Muling magdadala ng karangalan sa Filipinas ang 6-foot-5 volleyball standout na si Sachi “Jaja” Santiago-Minowa sa kanyang pagsabak sa San Francisco Signal, isa sa mga bagong koponang kalahok sa League One Volleyball (LOVB) Pro sa Estados Unidos, na magbubukas ng inaugural season ngayong Disyembre.
Kabilang si Santiago-Minowa sa 14 manlalarong bumubuo sa unang roster ng San Francisco Signal para sa 2026–2027 season. Nakatakdang magsimula ang kampanya ng koponan sa 19 Disyembre laban sa LOVB Atlanta, kasunod ng pagbubukas ng ikatlong season ng liga sa 16 Disyembre.
Isa pang kawili-wiling bahagi ng bagong yugto sa karera ni Jaja ang paglahok ng kanyang asawang si Japanese volleyball coach Taka Minowa bilang volunteer assistant coach ng San Francisco Signal.
May malawak na karanasan si Coach Taka sa international volleyball coaching. Kabilang sa kanyang naging coaching assignments ang Saitama Ageo Medics sa Japan, Liaoning Women’s Volleyball sa China, gayundin ang Akari Chargers at Nxled Chameleons sa Filipinas.
Naging bahagi rin siya ng coaching staff ng Japan women’s national team na nagkampeon sa 2022 Asian Women’s Volleyball Cup. Nagsilbi rin siyang miyembro ng high-performance staff ng Japanese women’s national team noong 2016 Rio Olympic Games.
Samantala, dala ni Jaja sa US professional league ang siyam na season na karanasan sa pinakamataas na antas ng volleyball sa Japan, kung saan kabilang sa kanyang mga tagumpay ang pagkakampeon kasama ang Osaka Marvelous.
Kamakailan ay nagbalik-bayan siya upang pansamantalang maglaro para sa Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL), habang tumutulong din sa pagsasanay ng Alas Pilipinas sa ilalim ng kanyang asawang si Coach Taka.
Sa pagsabak niya sa LOVB Pro, makakasama ni Jaja ang mga international volleyball players, kabilang ang Thai setter na si Pornpun Guedpard, Chinese libero na si Wang Mengjie, at French outside hitter na si Halimatou Bah.
Bukod sa mataas na antas ng kompetisyon, nag-aalok din ang liga ng komprehensibong benepisyo sa mga atleta, kabilang ang garantisadong suweldo, tirahan, gastusin sa biyahe, serbisyong pangkalusugan at bahagi sa kita ng liga.
Mahalagang hakbang ito para sa mga atletang Filipino, lalo sa mga kabataang nangangarap makapasok sa mga propesyonal na liga sa ibang bansa. Pinatutunayan ng karera ni Santiago-Minowa na kayang makipagsabayan ng talentong Pinoy sa pandaigdigang entablado.
Inaasahang makatatanggap din si Jaja ng mainit na suporta mula sa Filipino-American community sa San Francisco Bay Area, kung saan idaraos ng Signal ang mga home games nito sa Bill Graham Civic Auditorium.
Para sa mga tagahanga sa Filipinas, mapapanood ang mga laban ni Jaja at ng San Francisco Signal sa pamamagitan ng opisyal na streaming platform ng LOVB, YouTube at regional broadcast partner na SPOTV. (30)
Caption:
Mga retrato mula sa: San Francisco Signal Volleyball / League One Volleyball
