Andrea pumutok ang eardrum matapos sumisid 

Andrea Brillantes Laya

MA at PA
ni Rommel Placente

FEELING ni Andrea Brillantes ay nabingi siya nang gawin niya ang isang eksena sa pelikulang Laya na pinagbibidahan niya.

Ayon sa kwento ng dalaga, nangyari ang insidente sa isang eksena niya sa dagat.

Kailangan niyang lumubog at magtagal sa ilalim nito, kasama ang mga butanding.

Bigla niyang narinig ang malakas na putok ng baril at nang sumunod ay matinding sakit sa kanyang tenga.

Sabi ni Andrea, “‘Yung eksena roon, actually, parang may maririnig ako na parang gun shot. Hindi ko alam kung spoiler ‘to.

“Sobrang nakakatakot ‘yung oras na iyon, kasi kailangan kong abutin ang mga butanding at minsan pati ‘yung mga malalaki, napakalalim. Maraming komplikasyon, pero pinush ko pa rin. 

“Hanggang sa marinig ko nga ‘yung gun shot. Talagang pumutok ‘yung tenga (eardrum) ko,” sabi ni Andrea.

Bukod sa pananakit ng tenga, nagkaroon din siya ng pagdurugo sa ilong. Pero kahit ganoon, kailangan niyang manatiling nasa karakter sa kabila ng hirap.

“Ang hirap doon, kailangan lang akong nakalutang, tapos walang goggles,” dagdag niya.

Pagkatapos ng shooting, agad niyang tinawagan ang kanyang ina para sabihin ang nangyari sa kanya.

“Sabi ko,’Mama, mama, parang pumutok ‘yung tenga ko. Anong gagawin ko? “ kwento pa niya.

Ang Laya ay isang revenge drama na idinirehe ni Sigrid Andrea Bernardo. Kasama rin sa cast sina JC Santos at Anthony Jennings. Mula ito sa Rein Entertainment at showing na sa November 25.

Ang pelikula ay tungkol sa paghihiganti, sakit ng pagkawala, at mga pangalawang pagkakataon. Tinutukan dito ang tema ng kapayapaan ng puso, pagtanggap, at pagpapatawad.