DAKAR — Kumpleto na ang delegasyon ng Pilipinas sa 2026 Youth Olympic Games (YOG) at habang walang nakatakdang kompetisyon nitong Biyernes, sinamantala ng mga atleta ang pagkakataon upang makapagpahinga, makabawi sa pagod ng biyahe at makapag-adjust sa klima at kapaligiran ng Senegal.
Isa sa mga sabik nang sumabak si Jade Justin Justiniane, 16, na nag-iisang kinatawan ng bansa sa windsurfing na sisimulan sa Linggo sa Saly Beach West.
Buong tapang na haharapin ni Justiniane ang hamon dahil alam niyang bihira ang pagkakataong makalaro sa ganitong kalaking torneo.
“Ibibigay ko ang lahat dahil ito na ang nag-iisa kong pagkakataong makasali sa YOG,” pahayag ng batang windsurfer.
Hindi rin problema para sa kanya ang mainit na panahon sa Africa dahil nakasanayan na niya ang ganitong klima sa Pilipinas.
Kasama ni Justiniane ang kanyang coach na si German Paz, dating pambansang kampeon sa windsurfing at gold medalist sa 2005 Southeast Asian Games sa Subic.
Ayon kay Paz, kahit bata pa ang kanyang alaga ay taglay nito ang tapang at determinasyong makipagsabayan sa mga pinakamahusay na atleta.
“Bata pa siya pero hindi siya natatakot sa hamon,” ani Paz, na nakatuon na ngayon sa pagsasanay at paghubog ng mga batang atleta.
Samantala, handa na rin sa kanyang mga karera si Maritanya Krog, ang pambato ng Pilipinas sa women’s individual time trial at road race ng cycling.
Dumating si Krog, 17, sa Dakar noong Huwebes ng gabi kasama ang mga coach na sina Mark John Lexer Galedo at Marita Lucas at iba pang miyembro ng delegasyon.
Bagama’t hindi pa niya nakikita ang mismong ruta at mga makakalaban, positibo ang kanyang pananaw sa nalalapit na kompetisyon.
May karanasan na rin si Krog sa international competition matapos pumang-anim sa road race ng Asian Youth Games sa Bahrain noong nakaraang taon. Nakapagtala rin siya ng ikaapat na puwesto sa junior elimination race ng Asian Track Cycling Championships nitong Marso.
Nauna namang nakarating sa Dakar si Naomi Marjorie Cesar noong Martes at agad nang nagpatuloy sa kanyang paghahanda para sa women’s 800-meter semifinals sa Sabado sa Complexe Iba Mar Diop Stadium.
Kasama niya ang kanyang ama at personal coach na si Ben Cesar, na apat na beses nang naging bahagi ng Philippine delegation sa Southeast Asian Games simula noong 1991.
Ikinatuwa ni Cesar ang mainit na pagtanggap at magandang pasilidad sa Youth Olympic Village, bagay na lalo pang nagpasigla sa kanyang paghahanda.
“Maganda ang karanasan dito at talagang excited akong katawanin ang Pilipinas. Isang karangalan ang pagkakataong ito,” pahayag ni Cesar.
Bitbit din niya ang kumpiyansa bilang nagwagi ng ginto sa 800 meters sa Bangkok SEA Games noong nakaraang taon at kasalukuyang may hawak ng Philippine record sa event.
Samantala, patuloy namang inaalam ni Pi Durden Wangkay ang kondisyon ng kanyang bagong kapaligiran bago ang kanyang nakatakdang laban.
Gumagabay sa kanya ang kanyang ina at personal coach na si Jonah Genilza, kasama si Jasper Tanhueco, secretary-general ng national athletics association.
Sa nalalapit na pagsabak ng bawat atleta, determinado ang Team Philippines na sulitin ang pagkakataong makipagtagisan sa mga kabataang atleta mula sa iba’t ibang panig ng mundo at magbigay ng karangalan sa bansa. (POC Media Pool/HNT)
