DAKAR — Hindi naging maganda ang unang yugto ng kampanya ni Angel Polo sa women’s wushu final matapos pumuwesto lamang sa ikaanim sa Taijishan event ng 4th Youth Olympic Games (YOG) nitong Martes sa Dakar Exhibition Center sa Diamniadio.
Nakakuha ang Pinay bet ng 9.026 puntos matapos maparusahan ng 0.20 deduction nang mawalan ng balanse sa kalagitnaan ng kanyang routine.
May pagkakataon pa si Polo na makaangat sa standings sa Taijiquan final na gaganapin ganap na 4:29 ng hapon (12:29 ng madaling-araw Miyerkules sa Manila).
Nanguna sa unang event si Singaporean world champion Ng Zhe Nin tangan ang 9.353 puntos. Sumunod si Germany’s Zhuo Mia Arelja Xianglin sa 9.266 at Chinese Taipei’s Chu Yu En sa 9.166.
Nasa ikaapat na puwesto si Gulirano Kholmuminova ng Uzbekistan (9.120), habang ikalima si Miranda Wei ng Canada (9.093).
Pang-pito si Zeineb Manai ng Tunisia (9.003) at pangwalo si Lauren Emily Yu Qing Chua ng Brunei Darussalam (8.980). (POC Media Pool/HNT)
