Simmers, Medina kampeon sa unang Philippines Pro

Caitlin Simmers Gabriel Medina WSL Surf Siargao Cloud 9

SIARGAO – Gumawa ng kasaysayan sina American surfer Caitlin Simmers at Brazilian Gabriel Medina matapos koronahang kauna-unahang kampeon sa inaugural World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa Cloud 9 nitong Martes.

Pinatalsik ni Simmers, world No. 6 sa kababaihan, ang Australian na si Isabella Nichols sa iskor na 12.00-10.77 upang masungkit ang kauna-unahang women’s title sa prestihiyosong torneo.

Bago ang kampeonato, dinaig muna ni Simmers sa semifinals ang world No. 2 na si Carissa Moore. Hindi naman umabot sa finals si Moore matapos mapatawan ng Interference Penalty 2 na nagpawalang-bisa sa kanyang wave score at ikalawang puntos.

Nakapasok naman sa finals si Nichols matapos talunin ang kababayang si Tyler Wright, ngunit hindi nito napigilan ang ratsada ni Simmers sa kampeonato.

Sa men’s division, nanaig si Medina laban sa Australian na si Jack Robinson, 16.93-14.50, upang angkinin ang unang men’s crown ng Philippines Pro.

Nagposte si Medina ng 9.43 puntos sa kanyang unang wave at sinundan ito ng 7.50. Nagtala naman si Robinson, world No. 12, ng 8.23 at 6.27 puntos para pumangalawa.

Bago ang finals, pinatalsik ni Medina sa semifinals ang world No. 1 na si Yago Dora, habang dinaig naman ni Robinson ang kapwa Australian na si Ethan Ewing.

Bawat isa kina Simmers at Medina ay tatanggap ng US$80,000 (halos P4.6 milyon) bilang kampeon. Mag-uuwi naman ng tig-US$40,000 sina Robinson at Nichols bilang runners-up.

Tig-US$20,000 naman ang matatanggap nina Dora, Ewing, Moore at Wright na nagtapos sa ikatlong puwesto sa kani-kanilang dibisyon.

Hindi rin uuwi nang luhaan ang mga Pinoy surfer na sina John Mark “Marama” Tokong at Jayuard Alciso na kapwa tatanggap ng US$14,000. Makakakuha naman si Noah Arkfeld ng US$13,000 habang US$13,500 ang para sa batang Pinay surfer na si Mara Lopez.

Inihandog ang torneo ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Norte sa pangunguna ni Gov. Robert Lyndon Barbers, gayundin sina General Luna Mayor Johnson Sajulga at Vice Mayor Romina Sajulga.

Kabilang din sa mga sumuporta sa kompetisyon ang PAGCOR, Department of Tourism (DOT), DPWH, TIEZA at NEA/SIARELCO.

Mapapanood ang mga aksiyon sa One Sports YouTube channel at Cignal Play. (PSC/HNT)