“Hindi ito pagkatalo kundi aral” – Tokong

John Mark Marama Tokong WSL Surfing Cloud 9 Siargao

SIARGAO – Sa halip na panghinaan ng loob sa maagang pamamaalam sa torneo, mas pinili ni John Mark “Marama” Tokong na gawing aral ang kanyang karanasan sa World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa Cloud 9.

Inamin ng beteranong surfer at apat na beses na kampeon ng Siargao International Surfing Cup na nagkaroon siya ng pagkakataong umusad sa susunod na round, subalit hindi niya nagawang samantalahin ang mga pagkakataong iyon.

Ayon kay Tokong, naging maganda ang kanyang unang pagsabak dahil malaya at komportable siyang pumili ng mga alon na sasakyan. Ngunit nagbago ang kondisyon sa sumunod na heat nang lumakas ang hangin at naging mas mahirap kontrolin ang mga alon.

Sinubukan niyang dumiskarte sa pamamagitan ng pagsakay sa mas maraming alon at pagsasagawa ng aerial maneuvers, ngunit hindi niya nagawang maisakatuparan ang mga ito.

Pinanghinayangan din niya ang unang alon na kanyang sinakyan dahil naniniwala siyang malaki sana ang naitulong sa kanyang kampanya kung naitawid niya ang aerial maneuver at nakalabas nang maayos sa barrel.

Gayunman, mas nangingibabaw kay Tokong ang pasasalamat sa pagkakataong makasabay at matuto mula sa ilan sa pinakamahuhusay na surfer sa mundo.

Malaking inspirasyon din sa kanya ang mainit na suporta ng mga kababayan, kaibigan at pamilya na dumagsa sa Cloud 9 at patuloy na nag-cheer sa kabila ng matinding init ng panahon.

Nagbigay rin siya ng paghikayat sa 15-anyos na Pinay surfer na si Mara Lopez, na aniya’y marami pang panahon upang matuto at mas mapahusay ang kanyang kakayahan.

Kailangan lamang aniyang masanay si Lopez sa mga alon sa Cloud 9 na higit na malalakas at ibang-iba sa nakasanayan nito sa La Union.

Binigyang-diin din ni Tokong na hindi lamang mga kalaban ang dapat pagtuunan ng pansin sa surfing kundi maging ang mismong mga alon. Mahalaga aniyang matutong pumili ng tamang alon dahil maaari itong maging susi sa pag-usad sa susunod na round.

Sinubaybayan din niya ang kampanya ng kapwa Pinoy na si Jayuard Alciso at pinuri ang magandang alon na nasakyan nito sa kanyang heat.

Sa pagtatapos ng kanyang kampanya sa Siargao, tututok na si Tokong sa mga pambansang torneo habang hangad na mapaganda pa ang kanyang international ranking at makamit ang mas magandang resulta sa susunod na mga kompetisyon.

Para kay Tokong, hindi dapat manatili sa mga pinalampas na pagkakataon ang kanyang isip kundi gamitin ang mga ito upang mas mapabuti ang kanyang laro.

“It’s not a loss, it’s a lesson. We’ll learn from it and move forward,” diin ni Tokong. (PSC/HNT)