Taas ang lamang sa langoyan – Tolentino

Jamesray Mishael Ajido Salaheddine Torki Dakar YOG

DAKAR — Malaking bentahe sa swimming ang tangkad at haba ng pangangatawan, bagay na hindi maikakaila sa mga katunggali ni Pinoy swimmer Jamesray Mishael Ajido sa 4th Youth Olympic Games dito.

Ito ang obserbasyon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino matapos masaksihan ang kampanya ng mga batang Pinoy athlete sa Youth Olympic Village.

“It’s given, the Americans and Europeans, and even the Africans have that height advantage. They’re bigger,” ani Tolentino na dumating sa Dakar noong Miyerkules.

Naramdaman ni Ajido ang naturang bentahe ng mga karibal nang pumuwesto lamang sa ikalima sa men’s 100-meter butterfly final noong Linggo.

Ayon kay coach Ramil Ilustre, taglay ni Ajido ang kakayahang makipagsabayan sa mga kalaban, ngunit kapansin-pansin ang diperensya sa tangkad at haba ng katawan ng mga katunggali nito.

Gayunman, may pagkakataon pa ang Pinoy swimmer na bumawi sa pagsabak niya sa 50-meter freestyle at 50-meter butterfly heats sa Miyerkules.

Samantala, dumating na rin sa Youth Olympic Village noong Lunes sina Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III kasama ang kanilang mga coach na sina Reyland Capellan at Japanese mentor Kazutaka Hakamada para sa artistic gymnastics competition sa Dakar Expo Center.

Inaasahang darating naman sa Huwebes ang iba pang miyembro ng Team Philippines, kabilang ang cycling bet Maritanya Krog, athletics campaigners Pi Durden Wangkay at Naomi Marjorie Caesar, at windsurfer Jade Justine Justiniane.

Patuloy na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission sa pangunguna ni chairman Patrick Gregorio ang kampanya ng Team Philippines sa torneo. (POC Media Pool/HNT)