HATAW News Team
KINONDENA ng maraming fur parents ang karumal-dumal na pagbasura at pag-abandona sa mga labi ng mga alaga at kapamilyang aso at pusa na binawian ng buhay, na nauna nilang ipinagkatiwalang sumailalim sa proseso ng cremation sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite, ngunit sa huli ay natuklasang peke ang mga abong ibinigay sa kanila dahil kasama ang kanilang fur baby sa 29 labi na natagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan.
Hindi mailarawan ang sumambulat na galit at matinding pagkadesmya hindi lamang ng mga fur parents na may alagang ipinagkatiwala sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium kundi pati ang iba pang fur parents, at ang publiko na nakasubaybay sa mga kaganapan sa social media.
Lalo pang sumabog ang galit ng mga fur parents at ng publiko nang sumagot ang may-aring si Jonathan Legaspi ng: “Wala kaming kasalanan? Puwede naming sa iba kayo nagpa-cremate.”
Sa kabuuan, sinabing 26 aso at tatlong pusa ang mga labi na may kanya-kanyang pangalan at timbang, sa loob ng trash bag, ang itinapon ng ilang kalalakihan sa isang bakantang lote sa Newtown Road, Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte, Bulacan.
Nanawagan ang mga concerned fur parents sa Philippine National Police (PNP) Bacoor Component City Police Station, Pamahalaang Lungsod ng Bacoor at Bureau of Animal Industry (BAI), Animal Health and Welfare Division na magsagawa nang agaran at masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang mga mapatutunayang responsable at may pananagutan sa ginawang pagbasura sa carcass ng kanilang mga alaga.
Anila, hindi natatapos sa oras ng pagpanaw ng mga alaga ang kanilang pagmamalasakit. Karapat-dapat ang pananatili ng tratong may respeto, dignidad, at malasakit sa mga alagang hayop.
Kinondena ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang anila’y panlilinlang ng crematorium sa mga pet owners na nagbayad para sa maayos na cremation ng labi ng mga alagang hayop ngunit hindi pala ito nagaganap, sa halip ay ibinabasura sa malalayong lugar ang mga alaga.
Ayon sa PAWS, maituturing na grave betrayal of trust sa mga pet owners ang ginawa ng crematorium na maaaring maharap sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315(2)(a) ng Revised Penal Code.
Samantala, ipinasara ni Bacoor City Mayor Strike Revilla, kasalukuyang nasa Rome, Italy, ang nasabing crematorium na nabigong makapagpakita nang sapat na dokumento at ebidensiya na nagpapatunay na maayos na isinasagawa ang cremation ng mga ipinagkatiwalang yumaong alaga sa kanilang establisimiyento.
Binigyan-diin ni Revilla, isinagawa ang pagpapatupad ng closure order nitong 31 Oktubre 2026, matapos atasan ang City Legal Office, Business Permit and Licensing Department o BPLD, pulisya, at iba pang kinauukulang tanggapan na imbestigahan ang mga reklamo.
Samantala, kinompirma ng animal rescue group na Luna and Furry Siblings Animal Rescue na natukoy na ang pagkakakilanlan ng lahat ng 29 carcass at nakuha na rin ng kani-kanilang fur parents.
Sa posibilidad, puwedeng isulong ang tatlong kasong kriminal gaya ng: Estafa by deceit (Art. 315(2)(a), Revised Penal Code) o ang pagkuha ng kabayaran para sa cremation ngunit hindi ito isinakatuparan.
Puwede itong isang kaso kada fur parent, at ang kaparusahan ay depende sa halagang pinag-uusapan o nakuha. Kung ang transaksiyon ay naganap sa pamamagitan ng online ads o messages, maaring itaas ang kaparusahan batay sa Cybercrime Prevention Act (RA 10175).
Ikalawa, maaari rin ihain ang Falsification (Art. 172, RPC) kung nagbigay ng sertipiko o resibo ngunit hindi naganap ang cremation.
Ikatlo, illegal dumping / littering (RA 9003, Ecological Solid Waste Management Act). Aplikable laban sa kahit sinong nagtapon ng basura sa isang lugar na hindi karapat-dapat na lugar.
Kasong sibil gaya ng Damages for breach of contract and bad faith (Civil Code Arts. 19-21, 1170, 2176). Ang mga fur parents ay maaaring makakuha ng refund, moral damages (fraud or bad faith), at exemplary damages;
Administrative / regulatory. Puwedeng suspensiyon o kanselasyon ng business permit ng LGU (nangyari na);
DTI complaint sa ilalim ng Consumer Act (RA 7394) dahil sa mapanlinang na transaksiyon;
Maaaring umaksiyon ang DENR-EMB para tiyakin ang compliance sa crematorium’s permits and emissions (Clean Air Act, RA 8749);
Idagdag pa ang sanitation violations sa ilalim ng local health office.
Para mangyari ito, kailangan magbigay ng kanilang mga affidavit ang fur parents kasama ang resibo at chat records. Maaaring ihain ang reklamo sa PNP, NBI, o sa prosecutor’s office kung saan naganap ang paglabag (Cavite o Bulacan).
“Sana po, seryosohin ang paghahain ng reklamo para hindi na maulit ang ganitong kasalaulaan at paglabag. Katarungan para sa 29 fur babies!” pahayag ng isang fur parent sa social media.
