Gen Z Heartthrobs aarangkada sa New Frontier

Kelvin Miranda Anton Vinzon Michael Sager Gen Z Heartthrobs

HARD TALK
ni Pilar Mateo

TATLONG iba’t ibang personalidad ang nabuong pagsama-samahin ng Happy Events para magkaroon ng kanilang opening salvo concert sa Enero 15, 2027 sa New Frontier Theater.

Bibinyagan ito bilang Gen Z Heartthrobs.

Sino naman ‘yung tatlo?

Ang mga ito ay sina Kelvin Miranda, Anton Vinzon, at Michael Sager.

Si Kelvin ay umalagwa sa katauhan niya bilang Adamus sa Sang’gre ng Encantadia Chronicles. Na nasundan pa ng ibang serye.

Nasa showbiz ang ama at kapatid ni Anton. Ang aktor na si Roi Vinzon at ang mang-aawit na rin na si Lara.

Si Michael naman, PBB hosting at kumakanta rin.

Bakit sila ang naisipang pagsama-samahin? May plano ba na isungkaw din sila bilang grupo?

Kung tutuusin, mahirap gawing grupo ang tatlo at sa mga schedule pa lang, hilo na ang schedule master kung paano silang mapagsasama-sama yaman at may kanya-kanya silang management.

Pero gusto ng tatlo ang  naging bunga ng pagsugal sa isasagawa nilang konsiyerto. Naging close sila.

Oo. May kaba sila kung mauubos ba ang tiket nila. Pero sinasabi rin nila na isa man o dalawa lang ang manood (na huwag naman sana!), ang goal nila na mahatiran ng saya ang makikinig at manonood sa kanila ang 100% nilang gagawin. Kaya naman puspos sila sa pagbubuhos ng masusing preparasyon para sa ikagaganda ng palabas na ipagmamalaki nila.

Si Kelvin, may pagka-old soul dahil sa mga narinig niyang kinahiligang awitin ng yumaong ama. Naaalala niya ang kantang unang natutunang awitin- ang One in A Million You ni Larry Graham na pinasikat na rin ng ibang mang-aawit.

Kay Anton naman, ang lagi nilang idinu-dueto ng kanyang amang dati rin palang naging miyembro ng isang banda, ang You’re in My Heart ni Rod Stewart.

At si Michael naman ay ang mga bagong tunog gaya ng Buwan at mga kasabayan nito.

Bale prelude to Valentine’s na ang opening salvo sa mga ihihilerang palabas o konsiyerto nila.  Wala pang masabing special girl sina Kelvin at Anton—na maaari nilang anyayahan na manood sa kanila o dili kaya eh, sumama sa palabas as guest celebrity.

Si Michael ang vocal na nagsabing crush niya si Kathryn Bernardo. Na sa Canada pa niya nakilala at kagyat na nakausap. Pero rito sa bansa ay hindi pa sila nagkakaharap man lang.

Ang dadaldal ng tatlo. Kaya ang sarap kausapin. At nahihinuha na nga na rito na magpapatuloy ang pagiging heartthrobs nila. Walang itulak-kabigin.

Hindi naman ito nakatuon lang sa mga GenZ kundi sa lahat ng mga nagmamahal sa musika. Musika nila.

Individually, kung  mamasdan sasabihing si Kelvin ay lumalim na dahil sa mga pinagdaanan. Aminado ito sa kalagayan ng kanyang mental health at pagiging bipolar. At ina-address naman niya ito at hindi itinatago.

Si Anton, suportado sa pangaral ng amang aktor. Na kahit nga ang direksiyong tinatahak ay nasa pag-arte, sa tulong ng kapatid na si Lara, natutuklasang may mga kaya pala siyang ibigay bilang musikero.

At si  Michael na aminadong super daldalero, hindi natinag sa mga tanong sa kanya kung may nagdududa sa kasarian niya. Mas kilala raw niya ang sarili kahit ano pa ang sabihin ng mga basher na ‘di naman niya nakikilala.

Maganda rin nga sigurong pagkatapos ng concert nila, may maglakas ng loob na pagsamahin sila sa isang proyekto—sa telebisyon man, sa pelikula o sa isang dula!

Definitely, the next heartthrobs. Anupaman ang henerasyon bukod sa GenZ!