DAKAR, Senegal — Hindi itinago ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang bigat ng hamong naghihintay sa siyam na atletang Pinoy na sasabak sa 4th Youth Olympic Games (YOG) sa Senegal.
“Malalaki sila at mukhang malalakas,” ani Tolentino matapos libutin ang mga playing venue at Athletes’ Village sa Diamniadio, may 40 kilometro mula sa kabisera ng Senegal.
Aminado ang opisyal na hindi magiging madali para sa Team Philippines ang paghahangad ng puwesto sa podium, lalo’t kapansin-pansin ang pangangatawan at lakas ng mga naunang dumating na atleta mula sa Americas at Europe.
“It will be very difficult,” dagdag ni Tolentino na dumating sa Dakar kasama si POC secretary-general Atty. Wharton Chan noong Miyerkules.
Gayunman, umaasa pa rin siyang magagamit ng mga kabataang Pinoy ang kanilang paghahanda at karanasan sa prestihiyosong torneo.
“Good luck sa ating mga atleta. Sigurado akong pinaghirapan nila ang paghahanda para sa minsanang pagkakataong ito,” pahayag niya.
Naunang nakarating sa Dakar nitong Huwebes ng gabi sina swimmers Riannah Chantelle Coleman at Jamesray Michael Ajido at wushu bet Angel Polo, kasama ang kanilang mga coach na sina Ramil Ilustre, Jensen Halili at Li Jianfang. Galing pa ang grupo sa halos 30-oras na biyahe mula Maynila na may stopover sa Istanbul.
Inaasahang darating naman sa Sabado ang gymnastics bets Hillarion Palles III at Tchelcy Mei Maayo kasama sina coaches Reyland Capellan at Kazutaka Hakamada.
Sa Nobyembre 4 naman nakatakdang bumiyahe ang cycling bet Maritanya Krog kasama sina coaches Mark John Lexer Galedo at Marita Lucas, gayundin ang athletics bets Pi Wangkay at Naomi Cesar kasama ang coach na si Jasper Tanhueco.
Sa kabila ng matitinding karibal, asam ng Team Philippines na maipakita ang bunga ng kanilang pagsisikap at makakuha ng mahalagang karanasan sa kanilang pagsabak sa pinakamalaking entablado ng youth sports. (POC Media Pool/HNT)
