McCoy itinangging pinagsabay sina Elise at Sachzna

McCoy de Leon Elise Joson Sachzna Laparan

MATABIL
ni John Fontanilla

MARIING itinanggi ng FAMAS 2026 Best Actor, McCoy de Leon ang paratang na nagkaroon sila ng relasyon at pinagsabay niya ang dating asawang si Elise Joson at Sachzna Laparan.

Ang pagtanggi ni McCoy ay kasunod ng pahayag ni Sachzna  na nagkaroon sila ng relasyon ng aktor.

Sa premiere night ng kauna-unahang horror movie ni Direk Daryl Yap, ang VHS na may tatlong istorya (Dasal, Hiling, at Spoiled) nakausap namin si. Si McCoy ay bida sa Spoiled episode with Ella Cruz.

Ani McCoy, “Hindi ako pinalaki ng magulang ko na ganoon (nagsasabay ng relasyon).”

Sinabi ng aktor na mas gusto niyang magpokus sa kanyang trabaho at hindi niya maintindihan kung bakit muling nabuhay ang isyu.

Ibinahagi rin ni McCoy na pinayuhan siya ng kanyang mga magulang at mga kaibigan sa industriya ng showbiz na huwag nang magsalita sa publiko tungkol sa nasabing usapin.

Nahihiya nga ito na sa paglaki ng kanyang anak na Feliz ay mabasang hindi siya naging tapat sa kanyang karelasyon.

“Kung mapapanood ito ng anak ko, mahihiya ako kung may ganoon,” sabi pa ng aktor.

Nais ni McCoy na protektahan ang kanyang pamilya at ang pagtingin ng kanyang anak sa kanya.

Bukod kay Ella, kasama rin ni McCoy sa Spoiled episode ng VHS (Viva Horror Stories) si Isay Alvarez, samantalang bida naman sa Dasal si Sachzna at sina Sarah Lahbati at Kit Thompson naman sa Hiling.

Napapanood na ang VHS simula Oct. 28 hanggang Nov. 3 2026 sa lahat ng SM Cinemas  bilang parte ng Sine Sindak.