WILDCAT, PUSO ANG GRASSROOTS SA COMBAT SPORTS
Baguhang atleta, bibigyan ng pagkakataong hasain ang talento at mangarap maging kampeon

Margaret Te Wildcat Boxing TOPS PSC

PINALALAKAS ng Wildcat Boxing and Fitness Training Center ang grassroots development sa combat sports upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang atleta na malinang ang kanilang talento at maabot ang pangarap na maging mahusay na mandirigma sa sports.

Itinatag ni Margaret Te, isang dating amateur boxer, ang Wildcat upang magsilbing tahanan ng mga baguhang atleta na nais matuto, magsanay at sumabak sa iba’t ibang kompetisyon sa combat sports. Matatagpuan sa 2nd floor, ng Ramon Magsaysay Center Annex, Dr. J. Quintos Street, Malate, Manila.

Hindi lamang boxing ang tampok sa training center dahil kumpleto rin ito sa mga kagamitan para sa Muay Thai, jiu-jitsu, kickboxing, taekwondo at mixed martial arts (MMA).

“Sa Wildcat, hindi lamang kami basta nagbibigay ng lugar para sa gustong magsanay o mapabuti ang physical fitness. Pangunahing layunin namin na makatulong sa pagpapaunlad ng combat sports sa pamamagitan ng pagpapalakas ng grassroots sports program,” pahayag ni Te sa programang “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) sa Conference Room ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Malate, Maynila.

Mula nang magbukas noong Marso 2025, nagsagawa na ang Wildcat ng ilang inter-club amateur boxing competition upang makatuklas ng mga potensiyal na boksingero at mabigyan ng aktuwal na karanasan sa kompetisyon ang mga batang atleta.

“Binibigyan namin ang mga batang boksingero ng lugar kung saan maaari nilang hasain ang kanilang kakayahan at mapataas ang antas ng kanilang kompetisyon. Bukas din kami sa pakikipagtulungan sa mga dating atleta at coach upang higit pang mapalakas ang programa,” dagdag ni Te.

Malaki ang naging papel ng sariling karanasan ni Te sa boksing sa pagtatatag ng Wildcat. Sa kanyang amateur career, sumabak siya sa 14 na laban at nagwagi sa walo bago lumipat sa corporate world.

Dahil dito, alam niya ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga baguhang atleta, lalo na sa paghahanap ng maayos na lugar para magsanay at pagkakataong makasali sa mga kompetisyon.

“Malaki ang impluwensiya sa akin ng mga hirap na pinagdaanan namin noon. Sinubukan ko ang boxing para magkaroon ng mas magandang oportunidad at matutong ipagtanggol ang aking sarili. Pagkatapos kong magtrabaho sa corporate world, nagpasya akong itayo ang Wildcat para magkaroon ng alternatibong lugar ang ating mga atleta na maaari nilang paghasaan,” aniya.

Hindi lamang pasilidad at kagamitan ang nais ibigay ni Te kundi maging tulay rin ang Wildcat sa pagitan ng mga batang nangangarap maging atleta at ng mga beteranong coach at dating manlalarong handang magbahagi ng kanilang kaalaman.

Plano rin ng Wildcat na magsagawa ng inter-club at team tournament sa Muay Thai, MMA at taekwondo upang mas marami pang kabataan ang magkaroon ng pagkakataong masukat ang kanilang kakayahan laban sa mga atleta mula sa ibang training center.

Bukas ang Wildcat mula Lunes hanggang Sabado, alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, at tuwing Linggo, alas-8 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.

Suportado ang TOPS forum ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat. (HNT)