ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG duet nina Mark Herras at ng The Revival King na si Jojo Mendrez sa 42nd PMPC Star Awards for Movies ay nakaagaw nang eksena, tapos nilang awitin ang “Somewhere in My Past.”
Umalingawngaw ang palakpakan at hiyawan sa ballroom ng Winford Hotel habang magkasamang kumakanta sina Mark at Jojo. Ngunit sa kabila ng mainit na pagtanggap ng audience, hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng mga nanonood ang tila distansiya ng dalawa sa isa’t isa habang kumakanta.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang tampuhan nina Mark at Jojo noon at muntik pang humantong sa demandahan. Kaya naman naging usap-usapan ang kanilang muling pagtatagpo sa nasabing awards night.
Si Jojo, na siya ring producer ng 42nd PMPC Star Awards for Movies ay nagsabi na sa backstage lang sila nagkaroon ng chance magkausap at magkabati.
Nagkasundo na nga ba ang dalawa at tuluyan nang naayos ang kanilang hindi pagkakaunawaan? Kung nagkabati na sila, bakit tila may distansiya pa rin habang magkasamang kumakanta sa stage?
Sa ngayon, ang kanilang duet ang naging sentro ng usapan, isang pagtatanghal na naghatid ng kasiyahan sa audience, kasabay ng mga tanong kung tuluyan na nga bang natuldukan ang kanilang dating alitan?
