Unang batch ng Team PH, tumulak na sa Dakar YOG
AJIDO, COLEMAN, POLO NAUNA PARA SA YOUTH OLYMPICS!

Jamesray Michael Ajido Riannah Chantelle Coleman Angel Polo Dakar YOG

ISTANBUL — Nakarating na sa Istanbul, Turkey ang unang batch ng mga atleta ng Team Philippines na sasabak sa 4th Youth Olympic Games (YOG) sa Dakar, Senegal, matapos ang 13-oras na biyahe mula Maynila nitong Huwebes ng madaling-araw.

Kabilang sa unang grupo sina swimmers Jamesray Michael Ajido at Riannah Chantelle Coleman, kasama ang kanilang mga coach na sina Jensen Halili at Ramil Ilustre, gayundin ang wushu athlete na si Angel Polo at Chinese coach Li Jianfang.

Mula Istanbul, sasailalim muna ang grupo sa walong oras na layover bago lumipad patungong Dakar sa biyahe na aabot naman sa halos siyam na oras.

Sasalubungin nina Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, secretary-general Atty. Wharton Chan at chef de mission Rocky Samson ang mga atleta at coach sa YOG Athletes Village.

Nakatakdang maging flag-bearers ng Pilipinas sina Ajido at Coleman sa Opening Ceremony sa Sabado, Oktubre 31. Gayunman, hindi na nila tatapusin ang buong seremonya upang makapagpahinga nang maaga at makapaghanda sa kanilang mga laban sa swimming heats sa Linggo.

Malaking bentahe rin sa mga atleta ang lokasyon ng Abdoulaye Wade Stadium, na katabi lamang ng Athletes Village sa bayan ng Diamniadio, may 41 kilometro mula sa Dakar.

Susunod na lilipad patungong Dakar sa pamamagitan din ng Istanbul sa Sabado ang gymnastics bets na sina Hillarion Palles III at Tchelzy Mei Maayo, kasama sina coaches Reyland Capellan at Kazutaka Hakamada.

Sa Nobyembre 4 naman ang biyahe ng cycling bet na si Maritanya Krog, kasama ang coaches na sina Mark John Lexer Galedo at Marita Lucas, gayundin ng athletics bets na sina Pi Wangkay at Naomi Cesar, kasama ang coach na si Jasper Tanhueco. (POC Media Pool/HNT)