NFBM tutol sa rehab ng BNPP

NFBM tutol sa rehab ng BNPP

ni TEDDY BRUL, Jr.

MORONG, Bataan — Tinutulan ng Nuclear Free Bataan Movement (NFBM) ang planong rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na ikinalulungkot niyang hindi naipagpatuloy ang pagpapatakbo ng planta nukleyar na itinayo noong panahon ng kanyang ama.

Sa pagbisita sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute noong 10 Oktubre, nagpahayag ng panghihinayang si Marcos sa paghinto ng proyekto, na ayon sa kanya ay umabot na sa unang dalawang yugto ng paghahanda bago ito itinigil.

Gayunman, iginiit ng NFBM na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng mga komunidad at ang kapaligiran sa ngalan ng murang enerhiya.

“Hindi maaaring pag-usapan ang murang enerhiya kung nakataya naman ang kaligtasan at kinabukasan ng ating mga komunidad,” ayon kay Julito Velasco, pangalawang tagapangulo ng NFBM at residente sa Morong.

Sa naturang pagbisita sa Singapore, binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang mapababa ang presyo ng koryente sa bansa. Sinabi rin niyang dapat isaalang-alang ang enerhiyang nukleyar sa pangmatagalang plano ng Filipinas sa paglikha ng suplay ng koryente.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nagtala ang Filipinas ng karaniwang singil na ₱12.43 kada kilowatt-hour (kWh) para sa mga residential consumer noong Hunyo 2026, ang pinakamataas sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), batay sa datos na iniulat ng Department of Energy (DOE). Mas mataas ito sa iniulat na ₱12.34 kada kWh sa Singapore.

Ngunit para sa NFBM, hindi sapat na batayan ang mataas na singil sa koryente upang bigyang-katuwiran ang pagbuhay sa BNPP.

Binigyang-diin ng grupo na hindi ganap na nawawala ang mga panganib na kaakibat ng enerhiyang nukleyar. Itinuro nito ang sakuna sa Fukushima Daiichi sa Japan noong 2011, kung saan natunaw ang mga fuel core ng ilang reactor matapos ang lindol at tsunami.

“Dapat magsilbi itong palagiang paalala sa mga bansang gaya ng Filipinas na naglalayong magtayo at magpatakbo ng mga plantang nukleyar. Hindi kayang tumbasan ng mga ipinapangakong pakinabang ang panganib na dulot ng enerhiyang nukleyar,” pahayag ni Velasco.

Iniutos ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang pagtatayo ng BNPP noong 1976 sa halagang mahigit US$2 bilyon. Gayunman, hindi ito kailanman nagamit sa komersiyal na paglikha ng koryente matapos mapigilan ang operasyon nito dahil sa mga usapin sa kaligtasan.

Kabilang sa mga panganib na iniugnay sa lokasyon nito ang pagkakalapit sa isang pangunahing fault line at sa bulkang Pinatubo. Isinantabi ang proyekto noong dekada 1980, kasunod ng mga pangamba sa kaligtasan ng mga plantang nukleyar na pinatindi ng sakuna sa Chernobyl noong 1986.

Kinuwestiyon din ng NFBM ang pagsusulong sa rehabilitasyon ng BNPP sa kabila ng mataas na gastos sa pagtatayo at pagpapatakbo ng mga plantang nukleyar, gayundin ng mga hamon sa pamamahala ng basurang radyaktibo at tuluyang pagsasara ng mga planta kapag hindi na ginagamit.

“Ang kasalukuyang pagsusulong sa rehabilitasyon ng BNPP ay malinaw na hakbang upang baguhin ang historikal na salaysay tungkol sa mga Marcos — isang pagtatangkang pagtakpan ang mga pagkakamali ng nakaraan at muling buuin ang nasirang pamana ng pamilya,” ani Velasco.

        “Kung ang rehabilitasyon ng BNPP ang magiging pamana ni Marcos, isa itong pamana na nakasalalay sa mga panganib at pangamba ng mamamayan ng Bataan. Tumanggi kaming maging lugar na isasakripisyo para sa proyektong ito. Tutol kami sa rehabilitasyon ng BNPP!” dagdag niya.

Sa ilalim ng Philippine Energy Plan, target ng pamahalaan na magkaroon ng 1,200 megawatts (MW) kapasidad mula sa enerhiyang nukleyar pagsapit ng 2032, 2,400 MW pagsapit ng 2035, at 4,800 MW pagsapit ng 2050.

Para sa NFBM, dapat suriin kung makakamit ang mga layunin sa suplay ng koryente sa pamamagitan ng mas ligtas at mas angkop na mga alternatibong mapagkukuhaan ng enerhiya, imbes umasa sa mga plantang nukleyar na nangangailangan ng malaking puhunan at mahabang panahon bago maitayo at mapatakbo.

Iginiit ng grupo na maraming alternatibong mapagkukuhaan ng enerhiya ang Filipinas na maaaring higit na angkop sa katangian nito bilang isang kapuluan na may mahigit 2,000 tinatahanang isla. Ayon sa NFBM, maaaring maabot ang target na 2,400 MW pagsapit ng 2035 sa pamamagitan ng mahusay na programa sa alternatibong enerhiya.

Samantala, nagsagawa ng kilos-protesta ang NFBM sa tarangkahan ng BNPP sa Morong upang salubungin ang mga kalahok sa Supply Chain Forum na naunang inorganisa ng DOE sa Maynila.

Bitbit ng mga nagprotesta ang mga plakard na may mga islogang “Tutol sa Rehabilitasyon ng BNPP!” at “Hindi Ligtas, Hindi Malinis, at Mahal ang Enerhiyang Nukleyar!”

Nanawagan ang grupo kay Marcos at sa pamahalaan na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad, gayundin ang pangangalaga sa kalikasan, sa pagpapasya hinggil sa mga proyektong pang-enerhiya.