TNT, Viva inanunsyo 48 SayaOke finalists;  recording contract sa magwawagi

TNT Viva SayaOke

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

SANIB-PUWERSA sa pinasiklab na sayang hatid ang TNT at  Viva nang ianunsiyo ang 48 SayaOke finalists na magtatapat-tapat sa weekly finals, na mapapanood nang live gamit ang lakas ng TNT 5G.

Mula sa pitong weekly champions, isa ang magtatagumpay ng pinaka-aasam na recording contract mula sa Viva.

Matagumpay na nakapasok ang mga kalahok mula Luzon, Visayas, at Mindanao matapos ang masusing screening sa mga audition entry na ipinadala sa pamamagitan ng Vivaoke app. Magtatagisan sila sa biritan para sa lingguhang cash prize na P300,000 at ang natatanging pagkakataong maipamalas ang kanilang talento sa buong bansa.

Sa 48 na SayaOke finalists, 24 ang mula sa Luzon, 12 ang mula sa Visayas, at 12 ang mula sa Mindanao. Patunay ang malawak na sakop ng SayaOke sa layunin ng TNT at Viva na tumuklas at magbigay-pugay sa angking talento ng mga Filipino saan mang panig ng bansa.

“Sa pamamagitan ng SayaOke, binibigyan natin ng platform ang mga nangangarap na mang-aawit mula sa buong bansa para maipakita ang kanilang talento sa publiko. Gamit ang lakas ng TNT 5G, pinatutunayan ng kompetisyong ito na kaya ng 5G connectivity na paglapitin ang mga tao at maghatid ng saya,” ani Lloyd R. Manaloto, FVP at OIC ng Smart Communications, Inc..

Mula sa pitong weekly winners, pipili ang Viva ng isang natatanging kalahok na pipirma ng recording contract na magbubukas ng pinto para sa kanyang potensiyal na karera sa musika.

“Isang pagkakataon ang TNT SayaOke para tumuklas ng mga natatanging talento at bigyan ang mga aspiring singers ng pagkakataong maiparinig ang kanilang boses. Lalo kaming nasasabik na magkaloob ng recording contract sa isa sa pitong weekly winners na magbibigay-daan na itaguyod ang kanyang karera sa musika,” sabi ni MG Mozo, Pangulo ng Viva Music Publishing, Inc..

Kasamang dumalo sa anunsyo ang Viva artist at singing champion na si Lyca Gairanod, na kamakailan ay nag-viral ang kanyang dating awit na Puede Nang Mangarap. Ito ay patunay kung paano nakatutulong ang mga online platform upang maabot ng mga talento ang mas malawak na audience.

“Minsan, isang  opportunity lang talaga ang kailangan mo sa buhay. Kaya mahalaga ang mga contest tulad ng ‘TNT SayaOke’ sa pagbibigay sa mga Pinoy ng chance para maipakita ang talento nila sa mas maraming tao at ma-inspire sila na magpatuloy lang sa pagkamit ng  kanilang mga pangarap, ” wika ni Lyca.

Ang Viva artist naman na si Krissha Viaje, na kabilang ngayon sa cast ng Viva One series na Our Yesterday’s Escape, ay nagsimula rin sa pagpupursige sa kanyang hilig sa pag-awit sa murang edad sa pamamagitan ng pagsali sa mga kompetisyon sa bansa at sa abroad.

“Kailangan talaga ng patience and hard work para makamit ang iyong pangarap. Dapat matibay ang tiwala mo sa sarili, at wag palampasin ang mga opportunity na maipakita ang talent mo sa mundo,” ayon kay Krissha.

Samantala, para suportahan ang mga paboritong kalahok, kailangang sumabaybay ang mga TNT subscriber sa lingguhang live showdown sa TikTok at bumoto gamit ang voting credits na nakuha nila mula sa pag-load ng mga TNT promo.

Pwede rin silang sumali sa raffle promo sa pamamagitan ng pag-text ng  RAFFLE sa 5858. Kabilang sa mga premyo ay limpak-limpak na salapi, mga 5G smartphone, mga motorsiklo, at mga e-bike.

Ang mga SayaOke Birit Booth na ginagamit sa mga live showdown ay pinatatakbo ng TNT 5G, na nagbibigay-daan sa real-time na labanan sa kantahan ng mga aspiring performer. Patuloy na pinalalawak ng TNT ang sakop ng 5G sa bansa, na kamakailan ay nailunsad na sa Iloilo City, Bacolod City, Davao City, at Zamboanga City.

Ang TNT 5G ay suportado ng Smart, na kinilala ng Ookla® para sa paghahatid ng Best Mobile Video Experience sa Pilipinas noong unang kalahati ng 2026 matapos makakuha ng Video Score na 72.82, pinakamataas sa lahat ng telecommunications operator sa bansa.

Sumabaybay sa lingguhang live na tapatan ng SayaOke sa TikTok Live, bumoto para sa iyong mga paboritong finalist, at mag-abang sa mga kapana-panabik na raffle prize.