SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MULING nagsama-sama ang Innervoices para sa isang espesyal na back-to-back show kasama si Lloyd Umali sa Noctos Bar kasabay ng pagpaparinig at paglulunsad ng kanilang ikaapat na Christmas song, ang O Holy Night.
Nakatutuwang muli silang pinagsama-sama dahil sa awiting Pampasko.
Sabi nga ni Atty. Rey Bergado, lider ng grupo, ginawa nila ang Christmas song bilang pasasalamat sa kanilang mga tagasuporta.
“Noong nakaraang taon, bilang pasasalamat sa aming mga tagasuporta, gumawa kami ng Christmas presentation gamit ang aming bersyon ng ‘O Holy Night.’
“Hindi inaasahan, naging maganda ang pagtanggap, nag-generate ito ng humigit-kumulang sa 2-M views sa aming mga platform.
“At dahil malapit na ang Pasko, we decided to officially release the song this year. At umaasa kaming magiging maganda rin ang pagtanggap ngayong taon sa kanta namin,” dagdag pa ni Atty. Rey.
Nalaman naming public domain (na ang ibig sabihin, hindi protektado ng mga batas sa intelektwal na ari-arian tulad ng copyright, trademark, o patent) na pala ang awiting O Holy Night kaya naman ito ang naisip nilang kantahin na binigyan nila ng bagong tunog na tatak ng Innervoices.
“We were looking for a song na alam ng lahat, that’s why we think ‘O Holy Night’ is perfect,” sambit pa ni Atty. Rey.
Available na ang O Holy Night mula sa Innervoices. Ito ang awiting isinunod nila sa Sana Ngayong Pasko na ini-release nila noong 2022 at ang Pasko Sa Ating Puso at Pasko’y Muling Darating noong 2025.
