TINATAYANG 500 lider at kasapi ng mga organisasyong masa na kabilang sa Urban Poor Action Committee (UPAC), kumakatawan sa mga komunidad sa Metro Manila at mga lalawigang Rizal at Bulacan ang nagpiket sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang igiit ang pagharap ng kalihim at konkretong pagkilos nito sa matagal nang mga suliranin hinggil sa lupa at pabahay.
Bilang bahagi ng World Habitat Month at National Shelter Month, hiniling ng UPAC sa DHSUD na tugunan ang mga suliranin ng mga komunidad na hindi pa nareresolba, tuparin ang mga pangako ng pamahalaan at tiyaking tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang mababa ang kita at maralitang lungsod ang mga patakaran at programa sa pabahay.
4-Taong ugnayan sa TWG, batayang isyu ‘di nareresolba
Sa loob ng apat-na-taong pakikipag-ugnayan sa DHSUD sa pamamagitan ng Technical Working Group (TWG), marami pa rin suliranin ng mga komunidad ang hindi nareresolba.
Nakaapekto sa pagpapatuloy ng mga talakayan at pagpapatupad ng mga napagkasunduan ang madalas na pagpapalit ng mga kinatawan ng ahensiya.
Samantala, ang mga itinalagang kasapi ng TWG ay walang sapat na kapangyarihang magpasya sa mahahalagang usapin tungkol sa lupa at pabahay, saad ni Malu Mendoza ng Community Organizers Multiversity (COM).
Nanawagan ang grupo ng tuwirang pakikipag-usap kay DHSUD Secretary Engr. Jose Ramon “Ping” Aliling at sa iba pang opisyal na may kapangyarihang magpasya upang maresolba ang mga suliranin sa pagpopondo at makapagtakda ng malinaw na iskedyul ng mga kinakailangang hakbang.
Para kay Jonjon Elago, pangalawang pangulo ng Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya (ULAP), hindi lamang dami ng mga pulong (meeting) ang mahalaga kundi dapat ay nagbubunga o may resulta ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga apektadong pamilya.
“Dapat ay inilapit na tayo ng apat-na-taong pakikipag-ugnayan sa mga solusyon. Gayunman, marami pa rin pamilya ang naghihintay ng sagot tungkol sa lupang kanilang tinitirahan, sa kanilang People’s Plans at sa katiyakan ng kanilang paninirahan.
“Hindi sapat ang mga pulong at paulit-ulit na talakayan. Kailangan natin ng mga opisyal na may kapangyarihang magpasya, malinaw na takdang panahon at kongkretong pagkilos upang tuparin ang mga pangakong binitiwan sa ating mga komunidad,” pahayag ni Elago.
Proklamasyon ng pangulo, pagkakaloob ng titulo sa mga kalipikadong naninirahan sa mga lupang ipinroklama pabilisin
Isa sa mga pangunahing usaping inilalapit ng UPAC ang matagal na pagkaantala sa pagpapatupad ng mga proklamasyon ng pangulo na naglalaan ng mga lupain para sa panlipunang pabahay.
Sa kabila ng mga umiiral na pangako ng pamahalaan, maraming komunidad ang ilang taon, maging ilang dekada, nang naghihintay sa pagkompleto ng mga prosesong kailangan upang maipagkaloob ang lupa sa mga kalipikadong pamilyang benepisyaryo.
Nanawagan ang UPAC na magpatibay ng batas na magpapabilis sa pagpapatupad ng mga proklamasyon ng pangulo, magtatakda ng malinaw na mga pamamaraan at takdang panahon, at maglilinaw sa mga pananagutan ng mga ahensiya ng pamahalaang sangkot sa proseso.
Hinihimok din ng grupo ang pamahalaan na unahin ang mga kasong matagal nang nakabinbin at maaaring makinabang dito ang libo-libong pamilya. Para sa mga pamilyang sariling pagsisikap ang ginugol sa pagtatayo at pagpapabuti ng kanilang mga tahanan, ang pagkakaroon ng katiyakan sa paninirahan ay magbibigay ng higit na seguridad at pagkakataong patuloy na mapabuti ang kanilang kalagayan ayon sa kanilang kakayahan.
Binigyang-diin ni Jeorgie Tonelete, pangulo ng Koalisyon ng mga Organisadong Samahan ng Maralitang Taga-lungsod (KOSMAT):
“Matagal nang naghihintay ang aming mga komunidad na kumilos ang pamahalaan hinggil sa mga proklamasyon ng lupa na nilayong magbigay sa amin ng katiyakan sa paninirahan. Hindi dapat matapos sa paglalabas ng proklamasyon ang proseso. Kailangan kompletohin ng pamahalaan ang mga kinakailangan upang tuluyan nang makinabang sa mga pangakong ito ang mga kalipikadong pamilya. Kailangan namin ng malinaw na takdang panahon upang malaman ng aming mga komunidad kung kailan at paano tutuparin ang mga pangakong ito.”
4PH dapat tumugon sa pangangailangan ng pinakamahihirap na pamilya
Ipinahahayag ng UPAC ang seryosong pangamba nito sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH) ng pamahalaan. Ayon sa mga pamilyang maralitang lungsod, hindi nila kayang tustusan ang pabahay sa ilalim ng kasalukuyang pamamaraan ng programa.
Ayon sa grupo, higit na napakikinabangan ng programa ang mga pamilyang may katamtaman hanggang mataas na kita at mas may kakayahang magbayad para sa pabahay. Para sa UPAC, dapat unahin ng mga programa sa pabahay ang mga pamilyang walang kakayahang bumili o makakuha ng disente at ligtas na tahanan.
Hinihimok ng UPAC ang pamahalaan na unahin ang mga solusyon sa pabahay na bukas sa lahat, kabilang ang pagpapaunlad sa mismong lugar na tinitirahan ng mga komunidad (on-site development), pagpapaunlad sa loob ng lungsod (in-city development) at mga planong pabahay na binuo ng mga mamamayan (People’s Plans).
Dapat tiyakin ng mga solusyong ito ang akses sa koryente, tubig, pasilidad pangkalusugan, kabuhayan at iba pang pangunahing serbisyo.
Kailangan tumugon ang mga patakaran sa pabahay sa tunay na kakayahang pinansiyal at pangangailangan ng mga pamilyang maralitang lungsod upang hindi sila maiwan sa mga programa ng pamahalaan. Ang sapat na pabahay ay nangangahulugan din ng makabuluhang pakikilahok ng mga maralitang pamilya sa mga pagpapasyang nakaaapekto sa kanilang buhay at komunidad.
Hindi dapat maging simpleng paggunita lamang ang National Shelter Month. Kailangang itigil ng pamahalaan ang “ghosting” sa mga maralitang lungsod at isalin sa kongkretong pagkilos ang mga pangako nito sa pabahay.
