ARESTADO sa joint operation ng mga awtoridad ang limang babae nang salakayin ang isang gusaling ginagamit sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Barangay Bel-Air, Makati City, noong Huwebes, 15 Oktubre.
Sa ulat ni Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Robert Morico II, dakong 4:00 ng hapon nang kanilang isinagawa ang operasyon katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (ACG), at iba pang yunit ng pulisya at militar.
Sa bisa ng mandamiento de arresto, binasahan ng kanilang mga Karapatan at dinakip ang limang babae kabilang ang kanilang supervisor na nadatnan sa offshore gaming.
Nakompiska sa pagsalakay ang 13 computer system unit, 50 monitor, isang network video recorder, isang digital video recorder, 29 mobile phone, 5 laptop, mga USB flash drive, hard drive, modem router, mga online betting card, at mga SIM card.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act No. 12312 (Anti-POGO Act of 2025) laban sa mga nadakip.
