Nigerian nat’l timbog sa P5.9-M ecstasy

Police Arrest

HINDI nakalusot sa pinaigting na intelligence operation ng pulisya ang isang dayuhang pinaniniwalaang tulak ng party drugs matapos maaresto sa mismong sentro ng nightlife sa 1st St., Brgy. Balibago, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.

Sa ulat mula kay P/BGen. Jess Mendez, regional director ng PRO3, kinilala ang naaresto na isang 46-anyos lalaking Nigerian national, residente sa Mabalacat, Pampanga.

Hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda ang pormal na pagsasampa ng kaso, ngunit kompirmadong kabilang siya sa listahan ng High Value Individual (HVI) sa larangan ng ilegal na droga sa Gitnang Luzon.

Napag-alaman sa ulat, dakong 10:30 ng gabi nitong Biyernes, 16 Oktubre, nang nagsagawa ng buybust operation ang mga operatiba ng Police Station 4 ng Angeles CPO sa nasabing lugar.

Ang Balibago ay itinuturing na pulso ng nightlife sa Angeles City, kaya naman naging target ng operasyon dahil sa impormasyong doon umiikot ang bentahan ng ecstasy na kadalasang ginagamit sa mga party at bar.

Bumuo ang mga awtoridad ng task force katuwang ang City Intelligence Unit (CIU) at City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Angeles City; Regional Intelligence Division – Regional Special Operations Group (RID-RSOG); Regional Drug Enforcement Unit 3 (RDEU3); Regional Intelligence Unit 3 (RIU3) at isinagawa ang operasyon sa mahigpit na koordinasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa nagpanggap na buyer, agad siyang pinosasan ng mga operatiba.

Nasamsam na ebidensiya mula sa suspek ang 3,510 piraso ng hinihinalang MDMA o ecstasy tablet at marked money na ginamit sa transaksiyon.

Ayon sa mga awtoridad, kung susundin ang standard drug price na P1,700 kada tableta, tinatayang nasa P5,967,000 ang kabuuang halaga ng nakompiskang droga na pinakamalaking huli ng ecstasy sa Angeles City ngayong taon.

Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at ang lahat ng ebidensiya sa Police Station 4 para sa imbentaryo, dokumentasyon, at forensic examination na sinaksihan ng mga mandatory witness.

Nahaharap ngayon ang dayuhan sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession) ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)