DINAKIP ang isang 18-anyos binatilyo nang maaktohang dala ang isang parcel na naglalaman ng tinatayang P3.8-milyong halaga ng ilegal na droga sa ikinasang follow-up operation sa Barangay Pio Del Pilar, sa lungsod ng Makati, nitong Sabado ng gabi, 17 Oktubre.
Kinilala ng suspek na si alyas Michael, 18 anyos, at residente sa nasabing barangay.
Sa ulat, dakong 10:00 ng gabi kamakalawa nang magsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad kasunod ng natanggap na impormasyon ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) kaugnay sa isang parcel na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga.
Itinuro ng isang residente ang nakita niyang pagbubukas ng suspek ng parcel na naglalaman ng hinihinalang shabu sa Santuico at Facundo streets.
Nang mamataan ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at SIDMS, nagtangka pang tumakas ang suspek na kanilang hinabol at nakorner sa Javier St., sa nabanggit na barangay.
Narekober mula sa suspek ang hindi bababa sa 563.5 gramo ng hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P3,831,800.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa Section 5 at 26 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
