NADAKIP ng mga awtoridad ang isang 18-anyos binatilyo matapos masamsam mula sa kaniya ang isang hand grenade, isang baril, at limang cellphone kasunod ang naiulat na insidente ng ‘cellphone snatching’ sa Quezon City, nitong Sabado, 17 Oktubre.
Kinilala ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si alyas Renz, residente sa Barangay 310, sa Maynila.
Inaresto ang suspek dakong 3:55 ng madaling araw sa A. Bonifacio Avenue Malapit sa Dorotea St., sa Brgy. Balingasa, 55 minuto matapos maglabas ng flash alarm kaugnay sa insidente ang Holy Spirit Police Station (PS 14).
Habang nagpapatrolya, namataan ng mga tauhan ng La Loma Police Station (PS 1), sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jose Luis Aguirre, ang suspek na sakay ng isang itim na motorsiklong walang plaka.
Dahil tugma ang paglalarawan sa motorsiklo at rider nito sa flash alarm na inilabas, hinarang ito ng mga nagpapatrolyang pulis.
Nasamsam mula sa suspek ang isang kaibre .38 rebolber, may lamang apat na bala.
Sa inspeksiyon sa compartment ng motorsiklo, narekober ang isang hand grenade at limang cellphone – tatlong iPhone at dalawang Android na cellphone.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9516 na nagpaparusa sa ilegal na pagmamay-ari ng mga eksplosibo.
Tinutukoy pa ng mga awtoridad kung ang mga narekober na cellphone ay may kaugnayan sa iniulat na insidente ng snatching.
