MAY dagdag na biyaya ang mga atletang Pinoy na nag-uwi ng medalya sa katatapos na Aichi-Nagoya 2026 Asian Games matapos regaluhan ng pinakabagong iPhone 18 ng Philippine Olympic Committee (POC).
Ipinagkaloob ang mga bagong cellphone sa mga medalists sa ikaapat na General Assembly ng POC ngayong taon na ginanap nitong Huwebes sa East Ocean Palace sa Parañaque City.
Nagpasalamat si POC president Abraham “Bambol” Tolentino sa SportsPlus sa pagkakaloob ng 49 sa kabuuang 53 iPhone 18 na may 512GB storage bilang gantimpala sa sakripisyo at tagumpay ng mga atleta.
Tatlong iPhone Duo ang inilaan sa mga gold medalist, 11 iPhone Pro Max sa mga silver medalist at 35 iPhone Pro sa mga bronze winner.
Ayon kay Tolentino, aabot sa P7 milyon ang halaga ng mga ipinamahaging cellphone, kabilang ang tig-isang unit para sa bawat miyembro ng mga koponang nagwagi ng medalya.
Kabuuang 29 medalya ang naiuwi ng Team Philippines sa torneo, tampok ang apat na ginto, siyam na pilak at 16 na tanso.
Kabilang sa mga nagbigay ng gintong medalya sina Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo sa gymnastics, EJ Obiena sa pole vault at Jeus Yape sa taekwondo.
Hindi pa personal na natanggap nina Yulo, kapatid nitong si Karl Eldrew, Obiena at Alex Eala ang kanilang mga cellphone dahil kasalukuyan silang nakikipagkompetensiya sa kani-kanilang torneo sa Netherlands, Athens at China.
Samantala, masayang tinanggap ni Yape ang kanyang bagong cellphone at sinabing gagamitin niya ito ngunit itatabi pa rin ang dati niyang telepono.
Bukod sa mga bagong gadget, makatatanggap din ang mga gold medalist ng tig-P2 milyon cash incentive mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC).
Tig-P1 milyon naman ang nakalaan sa bawat silver medalist, habang P400,000 ang matatanggap ng bawat bronze winner.
May espesyal namang plano si Filipino mixed martial arts medalist Jean Claude Saclag para sa kanyang iPhone Pro Max.
“Sa pag-uwi ko sa Kalinga, ibibigay ko ito sa aking misis na si Rochelle,” pahayag ni Saclag, na ang asawa ay isang nurse.
“Feeling so blessed with this reward,” dagdag niya.
Samantala, pinagkalooban din ng regular membership sa POC ang Pilipinas Climbing, Philippine Kabaddi Federation at Philippine Mixed Martial Arts Federation sa isinagawang General Assembly. (POC Media/HNT)
