Alegarbes, may ADHD at Dyslexia, ginto ang inihahandog sa Pilipinas

AJ Alegarbes Swimming Asian Para Games

NAGOYA — Hindi naging hadlang ang attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD), dyslexia at hika kay Ariel Joseph “Arjay” Alegarbes upang maabot ang pangarap na maging kampeon sa Asian Para Games.

Mula sa pagsubok sa athletics, boccia at long jump, natagpuan ng 22-anyos na tubong Victorias City, Negros Occidental, ang kaniyang tunay na talento sa swimming—at makalipas ang isang dekada, nagbunga ang kaniyang pagsisikap ng gintong medalya.

Sa kaniyang debut sa Asian Para Games, naghari si Alegarbes sa men’s 100-meter backstroke S14 nitong Martes ng gabi upang ibigay sa Pilipinas ang ikalawang ginto sa Aichi-Nagoya 2026 Asian Para Games.

Itinala ni Alegarbes ang isang minuto at 1.56 segundo sa Rainbow Pool ng Nagoya City General Gymnasium, bahagyang tinalo ang South Korean na si Sungho Kang na nagtala ng 1:01.61 para sa pilak. Bronze naman ang Thai na si Natirat Meeprom sa 1:02.08.

“Hindi ko talaga ito inaasahan. Sa totoo lang, natupad ang pangarap ko,” ani Alegarbes.

Ibinahagi rin ng batang kampeon na ilang taon na niyang ipinangako sa kaniyang coach at pamilya na mag-uuwi siya ng gintong medalya sa Asian Para Games para sa bansa.

“Ginawa ko ito para sa kanila at sa lahat ng mga kababayan natin dito,” dagdag niya.

Hindi naging madali ang paghahanda ni Alegarbes sa kompetisyon. Ilang buwang puspusang ensayo sa ULTRA ang kaniyang pinagdaanan upang maihanda ang sarili sa matinding laban sa Nagoya.

Pangalawang pinakamabilis siya sa morning heats bago tuluyang maagaw ang korona sa final, kung saan kabilang sa mga nakalaban niya ang top qualifier na si Meeprom.

Ang tagumpay ni Alegarbes ay kasunod ng pagwawagi ni beteranong para swimmer Ernie Gawilan sa men’s 400-meter freestyle S7 noong Lunes. Dahil dito, parehong nagmula sa swimming ang dalawang gintong medalya ng Pilipinas sa kompetisyon.

Inialay naman ni Alegarbes ang kaniyang panalo sa bansa, koponan, mga coach, kapwa Pilipino at higit sa lahat, sa kaniyang pinsang si Manang Lenlen na pumanaw ngayong taon.

“Napakalapit namin sa isa’t isa,” ani Alegarbes.

May dalawa pang event si Alegarbes—ang 100-meter butterfly at 200-meter individual medley—at umaasa siyang madaragdagan pa ang kaniyang medalya.

Sa bawat laban, pananampalataya at suporta ng kaniyang mga mahal sa buhay ang nagsisilbing lakas niya.

“Ang ginagawa ko lang ay magpokus, mag-concentrate, manalangin sa Diyos at isipin ang aking koponan, mga coach at pamilya,” aniya.

Ngunit higit pa sa tagumpay sa Asian Para Games ang nais maabot ng batang kampeon.

Simple ngunit makahulugan ang susunod niyang pangarap: ang makasama ang kaniyang mga coach at koponan sa Paralympics. (PPC-PSC Media Pool/HNT)