ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINIHAYAG ni John ‘Sweet’ Lapuz ang labis na kagalakan sa pagiging buhay na buhay ng teatro.
Isa si John sa 12 na napili para sa inaugural ng Puregold Teatro Panalo. Siya ay isang lehitimong produkto ng Teatro Tomasino.
Si Sweet ang sumulat ng “True To Life” na ayon sa playwright/comedian ay pagpapatuloy ng kanyang matagumpay na Virgin Labfest entry na “Taksyapo.”
Nang tanungin kung sa palagay ba niya ay ang teatro na ang direksiyon ng entertainment bilang alternatibo sa pelikula? Ito ang tugon niya:
“Hindi ko alam kung ito talaga yung ultimate direction, but one thing l can assure you, tuwang-tuwa ako at proud na proud at the same time that theater is blooming.
“My God! Bawat sulok yata ng Filipinas ay may theater guild… So parang, My God! Theater is truly blooming! Kaya nakaka-proud at the same time ay touched na touched ako, na specially ang mga kabataang Filipino na nai-in-love sila sa theater. Iyong Gen-Z in particular”
Pagpapatuloy pa ni John, “May nagsabi sa akin, basically ito raw Gen-Z, noong inabot ng pandemic at pagkatapos ng pandemic, naka-experience sila ng theater at nagustuhan nila. Kasi dalawang taon silang na-trap sa bahay, tapos all of a sudden ay nakakita sila ng live performance sa theater.
“So, sa sobrang fascinated nila – hindi ba ito yung mga gadget childen? Ibinababa nila ang kanilang mga cellphone at interesado silang manood ng theater productions.
“Sadly, hindi maibalik ng TV at movies iyong ganitong excitement… hindi ko rin alam kung bakit, so don’t ask me. So, alam naman natin na ang TV at ang movie industry ngayon are really struggling very hard…
“Ngayon, buti na lang at may mga theaters and may mga TV and film actors ngayon na pupunta na rin sa stage plays. And I’m so happy na mayroong Teatro Panalo, that Puregold is venturing into theater as well.”
Nauna rito, labis ang katuwaan ni John nang tanggapin ang grant.
Aniya, “Salamat Teatro Panalo, theater is indeed blooming, thank you Lord. Sa mga tulad kong playwright na baliw, binigyan ninyo kami ng venue na ipakita ang aming kabaliwan.”
Dagdag pa ni John, “Sa mga makakapanood po ng ‘True to Life,’ para na ninyong awa, huwag ninyo po akong i-judge. Opo, opo, may tendency na matakot sa akin ang makakapanood nito or hindi na ako kaibiganin, magsolian ng kandila. Pero ginawa ko ito dahil gusto ko lang mapasaya ang lahat ng mga manonood. Thank you, thank you.”
Ang mga napiling playwrights ay nakatanggap ng P100,000 talent fees, na hudyat ng panimula ng kanilang journey bilang pioneers ng first-ever Puregold Teatro Panalo.
Ang lahat ng 12 finalists ay makakatanggap ng comprehensive development and production na suporta mula sa festival organizer Wishbone Collective Inc., na gagawin ang kanilang mga nagwaging konsepto tungo sa mga ganap na produksiyon sa entablado.
Makikita ng mga manonood ang mga bagong akdang ito kapag ang Puregold Teatro Panalo ay nagsimula mula February 20 to March 14, 2027.
Nasa likod ng selection sina Festival Director Vincent A. De Jesus, Jenny Jamora, Liza Magtoto, Marlon Rivera, at Atty. Nicolas Pichay. Kasama ng team bilang Screening Committee members sina Dr. Layeta Bucoy at Allan Lopez, na nag-screen sa festival submissions at shortlisted the entries. Nagbigay naman ng invaluable expertise at creative guidance sa festival ang Artistic Adviser nito, ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.
Bukod sa isinulat ni John na True To Life, ang iba pang pumasok sa unang Puregold Teatro Panalo ang mga sumusunod:
1. The Girl Scout Law by Rhain Arabella Alconza
2.Trahedya ng Kamote by Marjay Manalastas
3. The Boy Foretold by the Stars (One Act Play) by Dholly Dulu
4. Nothing But Dreams by Ricardo C. Novenario
5. Youngstunna by Jeromoe Andrei M. Canlas
6. Walang Maliit Na Bagay by Joshua Lim So
7. @Home by Edralin Cabrera, Kathlyn Castillo, Michael Ian Lamongo, Marjorie Lorico, Maria Teresa Jamias and J. Victor Villareal
8. Ang Maayong Balita Sumala Kang Bibe Bautista by Jude Thaddeus Gitamondoc
9. Baka Mali ang Tamaraw by Emmanuel Benbinuto Antonio
10. Manang- Mana Nga by Steven Hotchkiss
11. The Fourth Wall Has Fallen by Heber Justin P O’Hara.
