Gintong regalo ni Gawilan sa kanyang baby girl

Ernie Gawilan Asian Para Games

NAGOYA — Bago pa man sumabak sa pool si Ernie Gawilan sa Aichi-Nagoya 2026 Asian Para Games, alam na niya kung kanino iaalay ang gintong medalya na kanyang pinapangarap—sa walong-buwang gulang na anak na si Eliana.

At nitong Lunes, tinupad ng beteranong para swimmer ang pangakong iyon matapos makuha ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa torneo, kasabay ng ikatlong sunod niyang kampeonato sa men’s 400-meter freestyle S7 sa Nagoya City General Gymnasium.

Hindi naging madali ang laban para sa 35-anyos na tubong Davao City dahil maagang umarangkada ang karibal na si Zhang Yilong ng China. Pero sa bandang huli, nanaig ang tibay at karanasan ni Gawilan para muling masungkit ang korona.

Nagtala si Gawilan ng apat na minuto at 56.72 segundo, may lamang 4.64 segundo kay Zhang na nagtapos sa 5:01.36 para sa pilak. Bronze naman ang napunta kay Toh Wei Soong ng Singapore sa oras na 5:24.23.

“Pag-uwi ko, isasabit ko talaga sa kanya ito,” masayang pahayag ni Gawilan, na sabik nang maiuwi sa kanyang anak ang gintong medalya.

Bukod sa pagiging espesyal na regalo para kay Eliana, dagdag na selebrasyon din ito para sa kanyang asawang si Ilonah Jane. Ipagdiriwang ng mag-asawa ang kanilang unang anibersaryo sa Oktubre 28.

Kinailangan munang magpakita ng matinding determinasyon ni Gawilan bago masiguro ang panalo. Nanguna si Zhang sa unang 200 metro, ngunit bumawi ang Pinoy at unti-unting inagaw ang kontrol hanggang sa makatawid sa finish line.

“Kaya pumikit na ako sa last 10 meters nung nakita ko siya sa likod ko,” kuwento ng Pinoy swimmer.

Sa panalo, napanatili ni Gawilan ang kanyang paghahari sa event matapos ding magkampeon sa Jakarta noong 2018 at Hangzhou noong 2023.

Ito na rin ang kanyang ikalimang gintong medalya sa Asian Para Games—tatlo mula sa Jakarta at isa sa Hangzhou, bukod pa sa bagong tagumpay sa Nagoya.

Ayon kay national para swimming coach Tony Ong, ang naitalang oras ni Gawilan ay sapat din upang masiguro ang kanyang tiket sa 2028 Los Angeles Paralympics.

Pinuri naman ni Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo ang makasaysayang panalo ng beteranong manlalangoy at umaasang magsisilbi itong inspirasyon sa iba pang miyembro ng delegasyon.

“We are proud of Ernie’s feat. He has shown what a Filipino fighting heart is truly all about. It was the Philippines’ first gold in the Games, and we’re hoping it would inspire more athletes to excel and go for more medals,” ani Barredo.

Nagpaabot din ng pagbati si Philippine Sports Commission chairman Patrick “Pato” Gregorio sa panibagong karangalang hatid ni Gawilan sa bansa.

“Congratulations, Ernie. Well done again! The heart of a champion. Salamat sa regalo mo sa bayan,” mensahe ni Gregorio.

Personal na nasaksihan nina chef de mission Francis Diaz at PSC Commissioner Fritz Gaston ang makasaysayang tagumpay ng Pinoy swimmer. Kapwa nila pinuri ang sakripisyo, determinasyon at husay na ipinamalas nito sa pool.

“Masayang-masaya lalo na para kay Ernie na talaga namang binuhos ang lahat sa kanyang langoy kanina upang magwagi ng unang gold medal para sa ating bansa,” ani Diaz.

“Nawa ay maging inspirasyon ang nakamit ni Ernie para sa lahat pa ng kanyang kasamahan na para-athletes dito sa Asian Para Games sa Nagoya,” dagdag niya.

Bilib din si Gaston sa ipinakitang galing at tibay ng loob ni Gawilan, na aniya’y magandang halimbawa para sa iba pang para-athlete ng Pilipinas.

Para kay Gawilan, higit na magiging makabuluhan ang kanyang tagumpay sa oras na makauwi siya at maisabit sa leeg ng kanyang munting anak ang gintong medalya—ang regalong matagal na niyang pinangarap na maiuwi para sa kanyang pinakamamahal na baby girl. (PSC/HNT)