Gawilan, naghatid ng unang ginto ng Pilipinas

Ernie Gawilan Asian Para Games

NAGOYA — Binasag ni beteranong para swimmer Ernie Gawilan ang paghihintay ng Team Philippines matapos masungkit ang unang gintong medalya ng bansa sa 5th Asian Para Games sa Nagoya City General Gymnasium Rainbow Pool.

Sa edad na 35, ipinamalas ng tubong Davao City ang kanyang husay at tibay ng loob nang dominahin ang men’s 400-meter freestyle S7 sa oras na 4 minuto at 56.72 segundo.

Dahil sa kanyang panalo, nabigyan ng sigla ang kampanya ng Pilipinas na hindi naging maganda ang simula sa walong araw na torneo.

Hindi naging madali ang laban ni Gawilan matapos siyang hamunin ng batang si Zhang Yilong ng China at ng nakasanayan na niyang karibal na si Toh Wei Soong ng Singapore. Nasungkit nina Zhang at Toh ang pilak at tansong medalya sa oras na 5:01.36 at 5:24.23, ayon sa pagkakasunod.

Ito na ang ikatlong sunod na gintong medalya ni Gawilan sa nasabing event at ikalima niya sa kabuuan sa Asian Para Games. Nauna siyang nagwagi ng tatlong ginto sa 2018 Jakarta Games bago muling magkampeon sa Hangzhou, China, tatlong taon na ang nakalilipas.

Ayon kay national para swimming coach Tony Ong, nakakuha rin si Gawilan ng tiket sa 2028 Los Angeles Paralympics dahil sa naitalang oras.

“Qualified na siya sa 2028 LA Olympics dahil sa kanyang oras,” pahayag ni Ong.

Samantala, hindi pinalad ang iba pang pambato ng Pilipinas sa swimming, cycling, judo at table tennis.

Sa swimming preliminaries, nagtapos na pang-10 at huli si Edwin Villanueva sa men’s 400-meter freestyle S8 sa oras na 6:22.33, habang pumuwesto rin sa ika-12 at huling puwesto si Muhaimin Ulag sa men’s 200-meter individual medley SM9 sa 3:04.30.

Sa track cycling na ginanap sa Izu Velodrome, nagtapos sina Patrick Lee at Arthus Bucay sa ika-12 at ika-14 na puwesto sa 1,000-meter time trial, sa oras na 1:14.888 at 1:19.496.

Nauna nang sinabi ni national cycling coach Norberto October na hindi sila umaasa ng medalya sa velodrome, ngunit umaasa silang makababawi sa road race kung saan mas malaki ang tsansa nilang makapuwesto sa podium.

Sa judo, nabigo si Edmond Montecillo matapos siyang talunin ni Ibrokhimjon Akbarov ng Uzbekistan sa pamamagitan ng ippon sa round of 16 ng men’s J1 -70kg.

Dahil dito, si Al Jaed Pacheco na lamang ang natitirang Pilipinong judoka na may tsansang umusad. Haharapin niya si Mahdi Borchlou ng Iran sa men’s J1 -81kg sa Martes.

Sunod-sunod ding nabigo ang mga pambato ng bansa sa table tennis sa Sky Hall Toyota.

Tinalo ng mas beteranong si Kim Kun-Hea ng South Korea si Lhey Manginsay, 11-3, 11-3, 11-2, sa women’s singles Class 9. Yumuko naman si Billy Cartera kay Norakan Chanphaka ng Thailand, 11-4, 11-3, 11-3, sa men’s singles Class 4-5.

Natalo rin si Johna Pena kay Kim Seongok ng South Korea, 11-9, 11-6, 11-3, sa women’s singles Class 7, habang hindi rin nakalusot si Noriko Batuhan kay Huang Zhirui ng China, 11-5, 6-11, 11-3, 11-1, sa women’s singles Class 3.

Sa pagsasara ng ulat, patuloy namang lumalaban para sa medalya si Wilfred Redulla na katunggali si Ali Makhubekov ng Kazakhstan sa quarterfinals ng men’s singles Class 8. (PPC-PSC Media Pool/HNT)