Kelot itinumba habang nangongolekta ng pautang sa PUJ drivers

QCPD Quezon City

PINAGBABARIL hanggang mapatay ang isang 44-anyos lalaki, sinabing kolektor ng mga pautang sa mga jeepney drivers ng hindi kilalang gunman nitong Linggo sa Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang biktimang kinilalang bilang alyas Lacaba, residente sa Barangay Apolonio Samson, bunsod ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nabatid sa imbestigasyon ni PMSgt. Robert Rainer Abundo ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nangongolekta ng pautang sa mga driver si alyas Lacaba dakong 3:45 ng hapon sa ilalim ng footbridge sa EDSA kanto ng Oliveros Drive, Brgy. Apolonio Samson, nang dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo saka pinagbabaril nang malapitan ang biktima.

 Mabilis na tumakas ang gunman sa hindi natukoy na direksiyon.

Nasamsam sa crime scene ng mga operatiba ng SOCO mula sa QCPD Forensic Unit, sa pamumuno ni PCMS Federico Manzano ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 baril.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa suspek.