12 opisyal ng construction firm inirekomendang sampahan ng kaso kaugnay ng flood control projects

Money Bagman

NAGHAIN ng rekomendasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) para sampahan ng kaso ang 12 opisyal at kontraktor ng Genesis88 construction company dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng P7 bilyong halaga ng mga proyekto sa flood control sa Davao City.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakatakdang isumite ng ahensiya sa Department of Justice (DOJ) nitong Lunes, 13 Oktubre, ang rekomendasyon upang masuri ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot.

Sa rekord ng Commission on Audit (COA), nakakuha ang Genesis88 ng mga kontrata sa flood control na nagkakahalaga ng P7 bilyon mula 2018 hanggang 2024 para sa unang distrito ng Davao City, kung saan kinatawan si Rep. Paolo “Pulong” Duterte.

Nakitaan ng NBI ng mga kahina-hinalang detalye o “red flags” ang 47 flood control projects sa nasabing distrito, na kalaunan ay nadagdagan at umabot sa 51 proyekto.

Samantala, nagsumite si Duterte ng affidavit sa NBI at kinuwestiyon ang hurisdiksiyon ng ahensiya sa pag-iimbestiga.

Iginiit ni Matibag, may mandato ang NBI na imbestigahan ang mga kasong saklaw ng mga department order na inilabas para rito, kabilang ang mga usapin sa flood control projects.